![]() |
LUNGSOD NG MAKATI, 18 Hulyo 2025 — Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara ang kahalagahan ng pagtatayo ng mga pasilidad pang-edukasyon na nakapaloob sa isang komunidad na may sustainable at eco-friendly na transportasyon sa pagpapabuti ng edukasyon at buhay ng mga mag-aaral.
Bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na pagandahin ang access sa mga maayos na pasilidad ng transportasyon at edukasyon, nagsanib-pwersa ang Department of Education (DepEd), Department of Transportation (DOTr), at United Kingdom Foreign, Commonwealth and Development Office (UK FCDO) sa isang memorandum of understanding (MOU).
Layon ng kasunduan na isulong ang mas ligtas, accessible, at sustainable na transportasyon sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng Senate-DepEd (SEED) Project Development (SEED) Transit-Oriented Development (TOD).
“Tinitiyak ng pagtutulungang ito na makikinabang nang direkta ang ating mga mag-aaral at guro mula sa isang well-planned, green, at safe environment na nakatutulong sa layunin ng pampublikong edukasyon,” ani Sec. Angara.
Nakasentro ang proyekto sa 13-hectare DepEd Complex sa Taguig City na plano ng DepEd na gawing Education City—isang future-ready, climate-resilient, at sustainably mixed-used space na may eco-friendly na commercial at residential buildings, open spaces, transit hubs, training and MICE facilities, at teacher accommodation.
Itatayo ang Education City sa gitna ng magiging Senate-DepEd Station na pangunahing transport hub na mag-uugnay sa dalawang pinakamalaking proyekto ng imprastraktura sa bansa, ang North South Commuter Railway (NSCR) at Metro Manila Subway Project (MMSP).
Layunin ng SEED Project na bumuo ng mga komunidad na konektado, planado, at madaling ma-access sa paligid ng mga pangunahing railways. Dahil dito, mas madali na para sa mga mag-aaral at residente ang mamuhay, mag-aral, magtrabaho, at bumiyahe sa Metro Manila.
Bukod sa pagpapabuti ng konektibidad, inaasahang makakabuo ang proyekto ng mga oportunidad para magkaroon ng kita ang DepEd na makakatulong sa pagpapatayo ng mas marami pang silid-aralan at pagsulong ng digital learning sa mga paaralan.
“The UK is proud to bring in British expertise and innovation to pioneer a TOD where people can live, learn, work, and thrive — connected by efficient transport systems, designed with people at the heart, and guided by principles of sustainability and resilience,” sabi ni British Ambassador to the Philippines Laure Beaufils.
Sa ilalim ng MOU, bubuo ng working group na tututok at gagabay sa pagpapatupad ng proyekto. Nagtatakda din ito ng simula ng Phase 2 ng plano kung saan magkakaroon ng teknikal na pag-aaral at pagbuo ng isang project concept na isusumite sa NEDA Investment Coordination Committee (ICC) para sa pag-apruba.
Ang inisyatiba ay pinopondohan sa ilalim ng Green Cities and Infrastructure Programme ng UK FCDO. Hango ang proyekto Elizabeth Line ng London na kilala bilang modelo ng smart urban transit-linked development.
Upang maitayo ang world-class transit hub, makikipagtulungan ang DepEd at DOTr sa mga eksperto mula sa Crossrail International at mga nangungunang British architectural and engineering firms.
END


