![]() |
LUNGSOD NG MAKATI, 24 July 2025 — Tiniyak ni Education Secretary Sonny Angara ang agarang suporta para sa mga guro at paaralang naapektuhan ng sunod-sunod na bagyo at pagbaha, kasunod ng pagdeklara ng state of calamity sa ilang bahagi ng bansa dahil sa epekto ng Tropical Depression Dante, Tropical Storm Emong, at Habagat.
Kasama ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ilang miyembro ng Gabinete, dumalo si Education Secretary Sonny Angara sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) meeting para pag-usapan at pag-ugnayin ang mga hakbang para sa mabilisang disaster response at recovery.
Binilin rin ni President Marcos kay Sec. Angara nasiguraduhin ang learning continuity at kapakanan ng mga mag-aaral at guro na apektado ng kalamidad.
“Hindi po natin pababayaan ang ating mga paaralan at guro sa gitna ng kalamidad. Gagawin natin ang lahat para sila’y mabilis na makabangon at makapagpatuloy sa pagbibigay ng edukasyon,” ani Secretary Angara.
Para sa mga naapektuhang paaralan, agad nang gumalaw ang Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS) ng DepEd para ilabas ang pondo na magagamit sa paglilinis at clearing operations. Inatasan din ang mga paaralan na i-activate ang kanilang contingency plans, protektahan ang mga learning materials at equipment, at makipag-ugnayan sa local disaster risk reduction councils.
Nakikipagtulungan din ang DepEd sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa paggamit ng Quick Response Funds (QRF) sa mga apektadong paaralan, bilang bahagi ng pagsasaayos ng imprastruktura pagkatapos ng kalamidad.
May dagdag ding tulong mula sa National Indemnity Insurance Program (NIIP), na nagbibigay ng insurance protection para sa mga pampublikong paaralan sakaling masunog, tamaan ng kidlat, o makaranas ng natural na sakuna. Naitaguyod ito sa pakikipagtulungan ng DepEd sa GSIS at Bureau of the Treasury (BTr).
As of July 23, 6pm, nakapagtala ang DepEd ng 1,876 classrooms na may minor damage, 562 na may major damage, 531 na totally damaged, at 232 damaged hygiene facilities.
Para naman sa mga guro at kawani sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity, maaaring mag-apply sa DepEd Provident Fund loan. Bukas din ang mga Human Resource offices ng DepEd para tumulong sa pagproseso ng GSIS Calamity Loans at 30-day Calamity Leave applications.
Kung sakaling may injury o casualty dulot ng sakuna, muling ipinaalala ng DepEd na may benepisyong maaaring i-claim sa ilalim ng Group Personal Accident Insurance (GPAI) mula sa GSIS. Saklaw nito ang accidental death o dismemberment na hanggang ₱100,000, at medical reimbursement na hanggang ₱30,000 para sa accident-related treatment.
Patuloy ang koordinasyon ng DepEd sa mga regional at division offices nito para matiyak na makatatanggap ng tamang tulong ang lahat ng apektadong mag-aaral, guro, at staff, at na agad na makapagsisimula muli ang mga klase sa ligtas na paraan.
END


