LUNGSOD NG MAKATI, 28 July 2025 — Sa unang taon pa lang ng panunungkulan ni Education Secretary Sonny Angara, agad naisakatuparan ang mabilis na reporma at tiniyak na magpapatuloy pa ito dahil na rin sa malinaw na direksiyon na ibinigay ni Pangulong Ferdinand Bingbong Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address.

“Mula sa simula, malinaw ang layunin natin na makinig, ayusin ang kailangang ayusin, at itayo ang mga kulang. Bunga ito ng pakikinig sa mga guro, magulang, at mag-aaral sa mismong mga paaralan,” ani Secretary Angara.

Pinalalakas ang Early Education
Isa sa mga pinakamalaking pagbabago ang pagpapalawak ng School-Based Feeding Program, na inilunsad kamakailan. Simula ngayong school year, lahat ng Kindergarten learners sa mga pampublikong paaralan ay sasailalim na sa feeding program.

Para palakasin pa ang suporta sa kalusugan ng mga bata, ilulunsad ng DepEd ang pilot implementation ng Project SIGLA, isang digital system para i-monitor ang health at nutrition status ng mga mag-aaral. Kasabay nito, sinimulan na rin ang konstruksyon ng 328 bagong Child Development Centers sa mga pinakamahihirap na bayan sa bansa.

Pagtutok sa Kapakanan ng mga Guro
Malaking hakbang din ang nagawa sa pagpapatibay ng suporta sa mga guro. Sa mahigit 22,000 bagong teaching positions na pinondohan ng 2024, 97% na ang napunan. Sa mga administrative staff naman, 99% ng 5,000 bagong posisyon ang nalagyan na.

Nagdagdag rin ng bagong career levels (Teacher IV hanggang VII) para mas gumanda ang career path ng mga guro. Mahigit 2,100 school heads ang i-rereclassify sa School Principal positions, isang hakbang na papalapit sa target na “one school, one principal.”

Tumaas din ang teaching supplies allowance mula ₱5,000 pataas na ngayon sa ₱10,000. Unang beses ring naglabas ng medical allowance para sa mga public school teachers. Para sa mga guro sa private schools, itinaas ang salary subsidy sa ₱24,000 kada taon, o ₱6,000 dagdag.

Bukod dito, nabawasan ng higit kalahati ang daily paperwork ng mga guro para mas makapagturo sila nang mas epektibo at may sapat na oras sa kanilang mga estudyante.

Pagtugon sa Kakulangan sa Silid-Aralan at Connectivity
Kasama ang private sector, isinusulong ng DepEd ang pagtatayo ng 105,000 classrooms para matugunan ang backlog sa buong bansa. May bagong disensyo rin ang mga modular classrooms para sa mga lugar na tinamaan ng sakuna sa darating na Agosto.

Sa tulong ng DICT, DOE, at NEA, pinapalakas din ang access sa kuryente at internet sa mga last mile schools. Sa ilalim ng PSIP Connect project, inaasahan ding makarating ang digital devices, solar power, at koneksyon sa internet sa mga paaralang malalayo sa kabihasnan.

Mas Responsive na Kurikulum
Binago rin ang K to 10 curriculum para mas pagtibayin ang reading, writing, at basic math. Sa Senior High School, kasalukuyang pinapatakbo sa 900 paaralan ang mas pinalakas na curriculum na mas nakatutok sa academic at tech-voc skills.

Sa pamamagitan ng Literacy Remediation Program (LRP) at Bawat Bata Bumabasa Program (BBMP) na nilunsad nitong summer break, nakapagtala ng malaking pag-unlad sa foundational literacy, kung saan malaki ang ibinaba ng bilang ng mga low emerging readers.

Kasama na rin ngayon sa Free TESDA Assessment Program ang mga learners mula sa SHS, ALS, at tech-voc tracks. At simula ngayong taon, kinikilala na ng Civil Service Commission ang SHS graduates bilang kwalipikado sa entry-level government jobs.

Binabago ang Sistema
Dating umaabot sa 451 araw ang textbook procurement process. Sa ilalim ni Secretary Angara, bumilis ito sa 60 araw para sa bidding at 110 araw para sa printing at delivery.

May digital supplier registry na ring ipinapatupad para sa mas transparent na procurement. Para naman sa mga partners, may bagong website na ang Adopt-A-School Program at School Finder para mas madaling maikonekta ang donors sa mga pampublikong paaralan na nangangailangan ng tulong.

Ilulunsad din sa Agosto ang Project Bukas—isang open data platform na magbibigay ng access sa mahahalagang datos ng DepEd para sa publiko.
Pagtutulak ng Innovation sa Edukasyon.

Na-establish na rin ang Education Center for AI Research (ECAIR) na mamumuno sa paggamit ng digital at AI tools sa edukasyon. Kasabay nito, binubuo rin ang mga proyektong gaya ng Project LIGTAS para sa school risk mapping, at Project TALINO para matukoy ang mga paaralang may pinakamataas na pangangailangan.

Sa kabila ng mga naumpisahang pagbabago, ayon kay Secretary Angara, marami pa ring kailangang tapusin.

“Marami pa tayong kailangang ayusin, marami pa tayong kailangang abutin. Pero habang pinagkakatiwalaan tayo ng taumbayan, hindi tayo titigil sa paglilingkod, para sa bawat guro, bawat magulang, at bawat batang nangangarap,” ani Angara.

Sa pagpasok ng ikalawang taon ng kanyang panunungkulan, mas malinaw na ang direksyon ng DepEd: isang edukasyong mas inklusibo, mas responsive, at mas handa sa kinabukasan sa ilalim ng Bagong Pilipinas.

END