LUNGSOD NG QUEZON, 29 Hulyo 2025 — Inilunsad ng Department of Education (DepEd) ang 10-year Quality Basic Education Development Plan (QBEDP) isang araw matapos ang ika-4 na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na ang pangunahing layunin ay lalong mapagbuti ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na ang QBEDP ay paniniyak na ang bawat mag-aaral na Pilipino ay makakakuha ng dekalidad na edukasyon na naka angkla sa adbokasiya ng Bagong Pilipinas.

“Ito ang pangunahing polisiya natin hanggang matapos ang administrasyon. Puspusan natin inaayos at pinapaganda ang ating sistema ng edukasyon. Sa lahat ng mga pinapahalagahan ng administrasyon, ito pa rin ang nasa rurok,” ani Pangulong Marcos sa kanyang SONA.

“The Quality Basic Education Development Plan is not just a document. It is a promise. Isang pangako na sa biyaheng ito, walang maiiwan. Lahat ay makakasakay,” ani Angara. “Ito ay panata, hindi lamang ng DepEd, kundi ng buong sambayanan, na ihatid ang bawat batang Pilipino sa kaalaman at sa kinabukasan.”

Ang QBEDP ang magsisilbing operational plan ng 5-Point Reform Agenda na inilunsad noong 2024, at pinalalim ang mga layunin ng Basic Education Development Plan (BEDP) na sinimulan noong 2022.

Tumututok ito sa tatlong pangunahing estratehiya: decentralization o mas malaking papel ng mga rehiyon at lokal na pamahalaan; digitalization para mas maging episyente ang edukasyon gamit ang teknolohiya; at public-private partnerships para mapabilis ang imprastruktura at inobasyon.

May nakalatag na mga “basecamp” o milestone goals sa 2028, 2031, at 2034—mga yugto kung kailan inaasahang makakahabol ang sistema, makakapagpakilala ng mga reporma, at kalaunan ay makakasabay sa pandaigdigang pamantayan sa edukasyon. Sinadyang iposisyon ang mga target na ito sa loob ng natitirang panahon ng demographic window ng Pilipinas, upang masulit ang mga pamumuhunan sa human capital.

Ang paglulunsad ng QBEDP ay tumutugma rin sa mga edukasyong prayoridad na binigyang-diin sa SONA ng Pangulo—kabilang ang pagpapalawak ng ARAL Program para sa academic recovery, pagpapatayo ng mas maraming child development centers, at ang layuning gawing mas ligtas, mas malusog, at mas konektado ang mga paaralan.

Nasa plano rin ang mga reporma sa pasanin ng mga guro sa gawaing administratibo, modernisasyon ng kurikulum, imprastruktura ng mga paaralan, at pagpapalaganap ng digital tools—mga aspetong binigyang halaga rin ni PBBM sa kanyang talumpati.

Ayon sa Strategic Management Strand ng DepEd, na siyang nanguna sa pagbuo ng plano, ang QBEDP ay isang “living strategy” na hindi nakapako sa kasalukuyan kundi inaasahang magbabago at huhubog pa sa mga darating na taon, lalo na sa harap ng mga panibagong hamon gaya ng AI, climate change, at pagbabago sa global labor market.

Kinumpirma rin ng Pangulo ang suporta ng administrasyon sa mga guro, mula sa pagdagdag ng teaching items, pagbawas ng paperwork, hanggang sa mas makataong pasahod. Direktang tinutugunan ang mga ito ng QBEDP sa pamamagitan ng governance reforms at bagong resource allocation systems.

Nakasaad din sa plano ang mga mekanismo para sukatin ang kahandaan ng mga rehiyon at paaralan sa mas malayang pagpapatupad ng programa, at magbigay ng gantimpala sa mga epektibong inobasyon, serbisyo, at resulta.

“Let us lay the tracks together. Let us power the engine with our shared resolve,” pagtatapos ni Angara.

 

Link: Quality Basic Education Development Plan (Q-BEDP) 2025 – 2035 Publications | Department of Education