LUNGSOD NG SAN JUAN, 30 Hulyo 2025 — Buong suporta ang ibinigay ni Education Secretary Sonny Angara sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na resolbahin ang matagal nang kakulangan sa mga silid-aralan sa bansa. Ayon kay Angara, isa sa mga susi ang mas agresibong pakikipagtulungan sa pribadong sektor sa pamamagitan ng Public-Private Partnerships o PPP.

Sa Tuesday session ng post-SONA discussions na tumutok sa edukasyon at kapakanan ng mga manggagawa, sinabi ni Angara na nakikipag-ugnayan na ang Department of Education (DepEd) sa mga private partners upang mapabilis ang pagtatayo ng mga bagong silid-aralan, alinsunod sa utos ng Pangulo.

“Mabigat po ang problema ng kakulangan sa classrooms dahil apektado po ’yung learning quality o ’yung abilidad ng isang estudyante na matuto nang maigi. So tama ’yung sinabi ni Presidente na kailangan mag-think out of the box tayo,” ani Angara sa forum na dinaluhan ng mga opisyal mula sa DepEd, Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Migrant Workers (DMW), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at Commission on Higher Education (CHED).

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address ang layuning dagdagan ang silid-aralan sa tulong ng pribadong sektor: “Katuwang ng pribadong sektor, sisikapin nating dagdagan pa ang 40,000 silid-aralan bago matapos itong administrasyon. Maglalaan tayo ng sapat na pondo para rito. Alang-alang sa ating mga mag-aaral, hihilingin ko ang buong suporta ng ating Kongreso.”

Paliwanag ni Angara, sa nakalipas na dekada ay nasa 6,000 classrooms lamang kada taon ang naitayo ng pamahalaan. Ngunit sa ilalim ng PPP model, aniya, “in the next five to 10 years, we can build over a hundred thousand classrooms. At ’yan ang tinutukoy ng ating mahal na Presidente.”

Dagdag pa niya, bukod sa imprastruktura, mahalaga ring tugunan ang direksyon ng edukasyon upang ito’y maging mas tugma sa mga trabahong lilitaw sa panahon ng Artificial Intelligence. Dapat aniyang sanayin ang kabataan na mamuhay sa gitna ng pagbabago at kawalang-katiyakan, at hayaang pumili sila ng landas batay sa kanilang interes at talento.

Binigyang-diin din ni Angara ang pagpapalakas ng technical-vocational track sa Senior High School na tatawaging “TechPro.” Sa pakikipagtulungan ng DepEd sa TESDA, CHED, at DOLE, mabibigyan ng opsyon ang mga estudyante—mula graphic design hanggang electrical work—na magtapos at makakuha ng disenteng trabaho.

“’Yan ay pinatotohanan ni Sec. Kiko at nila Chair Shirley, Sec. Benny, Sec. Hans—para quality jobs ’yong makukuha. Quality jobs to address the long-standing problems of employment,” ani Angara.

Ang post-SONA dialogue ay bahagi ng serye ng mga talakayan na inilunsad upang mas mapalalim ang pag-unawa sa mga pangunahing adyenda ng administrasyon, kabilang na ang kalidad ng edukasyon at kakayahan ng mga manggagawang Pilipino sa hinaharap.

END