![]() |
LUNGSOD NG MAKATI, 02 Agosto 2025 — Inaprubahan ng Department of Education (DepEd) ang makabuluhang pagtaas sa taunang Teachers’ Salary Subsidy (TSS) para sa mga kwalipikadong guro sa pribadong paaralan sa ilalim ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) Program.
Mula sa kasalukuyang ₱18,000, itataas ang subsidiya sa ₱24,000 bawat guro kada taon simula sa School Year 2025–2026, matapos ang ad referendum na pag-apruba ng State Assistance Council (SAC), ang policy-making body na nangangasiwa sa GASTPE. Layunin ng hakbang na ito na kilalanin at suportahan ang mahalagang papel ng mga guro sa pribadong sektor sa sistema ng edukasyon sa bansa.
Sa ginanap na ceremonial signing nitong Huwebes, binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara ang kahalagahan ng mga guro sa pribadong sektor bilang bahagi ng mas malawak na misyon para sa pambansang kaunlaran.
“Sa mga tumutok sa ika-apat na State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., malinaw na nakita natin—nasa rurok ng kanyang mga prayoridad ang edukasyon,” ani Angara. “At mula’t sapul, pinaninindigan natin na ang edukasyon ay isang kolektibong misyon.”
Binigyang-diin din ni Angara ang pangangailangang tugunan ang agwat sa pagitan ng mga guro sa pampubliko at pribadong sektor, lalo na pagdating sa usapin ng sahod. “Malaki pa rin ang agwat ng kalagayan ng ating mga guro sa pribado kumpara sa pampublikong paaralan. Ngunit ngayon, nagsasagawa tayo ng isang kongkretong hakbang upang paliitin ang agwat na iyon at itaguyod ang pribadong edukasyon kasama ng pampubliko,” aniya.
Nagkaroon ng GASTPE Program sa bisa ng Republic Act No. 8545 o ang “Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act” upang magbigay ng pinansyal na tulong sa mga mag-aaral at guro sa mga pribadong institusyon ng edukasyon. Layunin ng Teachers’ Salary Subsidy na dagdagan ang kita ng mga guro sa mga paaralang kalahok sa Education Service Contracting (ESC) scheme.
Upang maging kwalipikado para sa TSS, kailangang lisensyado ang guro, full-time na empleyado ng isang kalahok na pribadong paaralan, at nagtuturo sa mga ESC grantees nang hindi bababa sa tatlong oras kada linggo. Ang mga minimum na kuwalipikasyong ito ay sinisiguro na ang subsidiya ay napupunta sa mga gurong tuwirang nag-aambag sa akademikong tagumpay ng mga estudyanteng nasa ilalim ng programa ng pamahalaan.
Binigyang-diin din ni Angara ang kahalagahan ng patuloy na pakikipagtulungan sa mga local government unit, development partners, at mga tagapagtaguyod ng pribadong edukasyon upang maisakatuparan ang layunin ng DepEd na maghatid ng dekalidad at abot-kayang edukasyon.
“Katuwang natin dito ang national government, mga LGU, development partners, at ang private education institutions,” dagdag pa niya. “Kaya’t taus-puso ang ating pasasalamat kay PBBM sa kanyang tunay at taos-pusong malasakit sa edukasyon at sa bawat Pilipinong guro.”
Ang pagtaas sa subsidiya ay isang kongkretong hakbang sa pagpapatupad ng mas malawak na reporma sa edukasyon sa ilalim ng administrasyong Marcos, gaya ng binigyang-diin sa SONA. Kabilang dito ang pagpapabuti ng kapakanan ng mga guro, pagbibigay ng digital tools para sa pagtuturo, at pagbabawas ng labis na administratibong gawain.
END


