![]() |
MACABEBE, PAMPANGA, 7 August 2025 — Bilang pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bigyang-priyoridad ang mabilis na aksyon para sa mga nangangailangan matapos ang kalamidad, pinangunahan ni Education Secretary Sonny Angara ngayong Miyerkules ang pagbubukas ng isang flood-resilient na gusali ng paaralan at relief operations sa mga bayan ng Masantol at Macabebe, Pampanga.
Sa Masantol, nakasama ni Secretary Angara sina Pampanga 4th District Representative Anna York Bondoc, DepEd Region III Assistant Regional Director Jessie L. Amin, at Schools Division Superintendent Romeo S. Alip sa ribbon-cutting ceremony ng bagong gusaling pampaaralan sa Masantol High School.
Ang gusali ay idinisenyong kayang tumagal sa mga pagbaha at bahagi ito ng mas malawak na inisyatiba ng DepEd na gawing disaster-resilient ang mga learning spaces sa buong bansa.
“Yung nakita nating classroom sa Masantol, I think ‘yun yung talagang magiging modelo for flood-prone areas. Sa Bicol, dito, sa Bulacan. ‘Yan din ang gusto ng Pangulo, na may permanent solutions na tayo—hindi yung nag-adjust. We must adapt our policies,” ani Angara.
Matapos ang pagbubukas, nakipagdayalogo si Angara sa mga guro, magulang, at miyembro ng komunidad na apektado ng pagbaha sa isang roundtable forum sa loob ng paaralan. Kasunod nito, namahagi rin siya ng food packs at mahahalagang supply para sa mga guro at non-teaching personnel na naapektuhan ng kalamidad.
Ayon kay Angara, mabilis at kumprehensibo ang pagtugon ng Kagawaran ng Edukasyon sa panahon ng sakuna, alinsunod sa utos ng Pangulo. Kabilang sa mga ginagawa ng DepEd ang damage assessments, psychosocial support, at pagtiyak sa pagpapatuloy ng pag-aaral sa gitna ng krisis.
“Kapag may kalamidad, una nating tanong: ligtas ba ang mga paaralan? Kumusta ang ating mga guro at kawani? Kaya’t sinigurado ng DepEd, alinsunod sa utos ng Pangulo, na may agarang tugon at aktwal na pagdalaw sa inyo ngayon,” ani Angara, na dumalaw rin sa San Isidro Elementary School at San Nicolas Elementary School.
Sa Macabebe Elementary School naman, nanguna rin si Angara sa pamamahagi ng isa pang round ng relief packs. Mahigit 2,000 food packs ang naipamahagi sa mga guro, non-teaching staff, at kanilang mga pamilya sa buong probinsya.
Sa pagtatapos ng kaniyang pagbisita, muling iginiit ni Secretary Angara ang kabuuang suporta ng pamahalaan sa edukasyon, lalo na sa panahon ng sakuna.
“Hindi natin kayang pigilan ang bagyo, pero kaya nating ihanda ang bansa. Basta’t magkakasama tayo — DepEd, LGU, Kongreso, at mga guro — walang hindi kakayanin,” ani Angara.


