![]() |
LUNGSOD NG MAKATI, 8 Agosto 2025 — Sa tulong ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ng Department of Budget and Management (DBM), mas palalakasin pa ng Department of Education (DepEd) ang frontline services nito sa mga Schools Division Office (SDO) sa buong bansa.
Pinagtibay ng DBM ang hiling ng DepEd na magdagdag ng 666 bagong plantilla positions para sa mga abogado, legal assistants, at procurement staff—isang hakbang na layong tugunan ang matagal nang kakulangan sa tauhan sa mga field office.
Kasama sa mga bagong posisyong aprubado ang 47 Attorney III, 187 Legal Assistant I, 214 Administrative Officer IV, at 218 Administrative Officer II. Ang mga ito ay itatalaga sa iba’t ibang SDOs upang mas mapabilis at mapabuti ang pagbibigay ng legal at procurement services sa mga paaralan.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, kritikal ang hakbang na ito para mabawasan ang pagod ng mga kawani at mapahusay ang serbisyo sa mga guro, magulang, at mag-aaral.
“Malaking tulong ito para sa ating field offices na matagal nang kapos sa suporta. Dahil sa tulong ni Pangulong Marcos at DBM, magkakaroon tayo ng mga abogado at procurement staff sa bawat SDO. Mas mapapabilis ang serbisyo, at mababawasan ang burnout ng ating mga kawani,” ani Angara.
Simula pa noong 2015, may reorganisasyon na sa legal services ng DepEd pero lalo pang lumawak ang pangangailangan para sa legal assistance sa mga division office—kabilang na ang pagsagot sa mga walk-in clients, pagbibigay ng legal advice, pagproseso ng clearances, certification requests, at pag-aasikaso ng mga kasong administratibo.
Sa ngayon, kadalasang pinaghahatian ng mga tauhan mula sa kalapit na SDO o regional office ang mga trabahong ito, na nagdudulot ng delay at sobrang trabaho para sa mga kawani.
Sa bagong plantilla, ang bawat isa sa 47 small-sized SDOs ay magkakaroon ng sariling Attorney III. Suportado rin ito ng paglalagay ng Legal Assistant I sa 140 medium-sized at 47 small-sized SDOs.
Kasabay nito, inaprubahan din ng DBM ang pagbuo ng dedicated Procurement staff sa mga SDO. Layunin nitong tugunan ang kakulangan sa procurement staff na siyang humahawak ng pagbili at pagsasagawa ng mga proyekto. Sa ngayon, maliban sa apat na malalaking SDO, karamihan ay walang permanenteng procurement personnel.
Sa dami ng proyekto at laki ng pondo ng DepEd—na may taunang budget na patuloy na tumataas—mas naging mahalaga ang pagkakaroon ng maayos at mabilis na procurement system. Sa tulong ng mga bagong itatalagang Administrative Officer IV at II, mas mapapabilis ang implementasyon ng mga proyektong gaya ng pagpapatayo ng mga paaralan, pamimigay ng learning materials, at pagbili ng mga kagamitan.
Dagdag pa ni Angara, ang deployment ng legal at procurement personnel ay isang mahalagang hakbang para sa mas tapat, mas mabilis, at mas maayos na serbisyo sa edukasyon.
END


