![]() |
LUNGSOD NG MAKATI, 9 AGOSTO2025 — Iniutos ni Education Secretary Sonny Angara sa lahat ng pampublikong paaralan sa bansa ang pagtatatag ng School Sports Clubs (SSCs) bilang tugon sa pagnanais ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ng mas malusog at mas aktibong mamamayan.
Layunin ng SSCs na isulong ang pangkalahatang pag unlad ng mga mag aaral, palakasin ang kanilang pisikal na kalusugan at makatulong sa pagbangon mula sa learning loss dulot ng pandemya.
Batay sa bagong DepEd Order, gagawin ang SSCs bilang organisadong sports programs sa labas ng regular na oras ng klase, para mabigyan ng pantay na pagkakataon ang lahat ng mag-aaral—anumang antas ng kakayahan o pinagmulan—na makilahok sa istrukturadong aktibidad pampalakasan.
“Kapag mas malusog ang katawan, mas malinaw ang isipan. Kapag mas aktibo ang mga bata, mas handa silang matuto at humabol sa anumang naiwang kaalaman noong pandemya,” ani Angara.
Dagdag pa niya, “Hindi lang ito tungkol sa paglalaro. Ito ay tungkol sa disiplina, teamwork, at tibay ng loob—mga katangiang dapat dalhin ng mag-aaral hanggang sa tunay na buhay.”
Ayon sa datos ng DepEd, marami sa mga kabataang Pilipino ang hindi umaabot sa rekomendasyon ng World Health Organization na 60 minuto ng katamtaman hanggang matinding pisikal na aktibidad kada araw. Pinalala pa ito ng mahabang oras ng sedentary learning at online classes noong pandemya.
Bilang dagdag sa Physical Education curriculum, maglalaan ang SSCs ng dalawa hanggang tatlong oras bawat linggo para sa supervised sports activities. Obligado ang arnis, at maaari ring ialok ang ibang sports depende sa interes ng mga mag-aaral at pasilidad ng paaralan. Unified Sports format naman ang gagamitin para isama ang learners with disabilities at i-promote ang inclusivity, at bawasan ang mga insidente ng bullying.
Bukas ang membership para sa lahat, kabilang ang learners with disabilities at mga nasa Alternative Learning System. Ang pondo ay maaaring magmula sa taunang badyet ng DepEd, Special Education Fund, school operating expenses, at pakikipagtulungan sa LGUs at pribadong sektor.
“Sa bawat oras na ginugugol nila sa laro at ensayo, pinapalakas din natin ang kanilang konsentrasyon, memorya, at kakayahang magtagumpay sa klase,” giit ni Angara.
END


