LUNGSOD NG MAKATI, 14 Agosto 2025 — Bilang pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na mapabilis ang pagresolba ng classroom gap sa bansa, isinusulong ng Department of Education (DepEd) ang mas flexible na paraan ng pagpapatupad ng School Building Program nito, kabilang ang mas malawak na partisipasyon ng iba’t ibang LGU at pribadong sektor, sa 2026 National Expenditure Program (NEP).

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, mahalaga na magamit din ang kakayahan ng mga LGUs at mga private partners upang maipares ang pondo sa tamang tagapagpatayo, lalo na sa mga liblib at disaster-prone na lugar kung saan pinakakailangan ang mga silid- aralan.

“Nagpasok tayo ng Special Provision on flexibility sa 2026 NEP. Dahil madalas ring tumutugon ang DPWH sa mga kalamidad, nais nating bumuo ng pool ng mas maraming implementing actors upang matiyak na magpapatuloy ang mga proyekto nang walang aberya,” ani Angara.

Sa kasalukuyang sistema, DepEd ang nagtatakda ng pangangailangan sa mga silid-aralan, nagse-set ng design at safety standards, at nagpoprograma ng pondo.

Samantala, direktang tinatanggap ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pondo at sila ang gumagawa ng cost estimates, procurement, at aktuwal na konstruksyon.

Nagpasalamat si Angara sa Department of Budget and Management (DBM) sa pagpayag na makipag-partner ang DepEd sa iba pang ahensya sa ilalim ng 2026 NEP. Ibinahagi rin niya na maaaring gamitin ng mga LGU ang kanilang Special Education Fund (SEF), habang ang pribadong sektor ay maaaring mag-ambag sa pamamagitan ng Public-Private Partnership (PPP) at Adopt-a-School Program.

“Kailangan nating buksan ang pinto para makasali ang LGU, NGO, at iba pang handang tumulong para mapabilis ang pagpapatayo. Ang mahalaga, kung saan may pondo, dapat may marunong at mabilis na tagapagpatayo,” dagdag niya.

Paliwanag pa ng Kalihim, ang pagresolba sa classroom backlog ay hindi lamang basta usapin ng dami ng naitatayo, kundi kung paano ito mas magiging matalino at angkop.

Gumawa na ang DepEd ng classroom master plan na gumagamit ng school-level data, demographic trends, at site assessments upang matukoy ang mga prayoridad. Mula rito, sinusunod ang programming at budgeting sa ilalim ng Basic Education Facilities Fund at Quick Response Fund.

Kapag nakahanda na ang pondo, maaaring magsimula ang mga itinalagang implementer sa konstruksyon. Minomonitor ito ng mga inhinyero ng DepEd sa mismong lugar, kasabay ng inter-agency validation para matiyak ang kalidad at transparency.

Ipinapatupad din ng DepEd ang flood-resilient at stilted designs para masiguro ang tuloy-tuloy na pag-aaral kahit sa mga lugar na tinatamaan ng baha at malalakas na bagyo.

Ang mga flood-resilient na gusali ay magkakaroon ng open ground floor para sa classrooms o multipurpose halls sa tag-init, at may mataas na palapag na magagamit kapag tumaas ang tubig. Sa mga baybaying lugar at rehiyong laging tinatamaan ng bagyo gaya ng Bicol, itatayo ang mga silid sa ibabaw ng stilts, na may matibay at waterproof na bubong upang kayanin ang malalakas na hangin.

Bukod sa mga kasalukuyang proyekto, sumusuporta rin ang DepEd sa panukalang Classroom Building Acceleration Program (CAP) sa ilalim ng Senate Bill No. 121. Iminumungkahi ng kagawaran na ibatay ang panukala sa national classroom master plan, malinaw na paghahati ng tungkulin ng national agencies, LGUs, at pribadong katuwang, pagtutok sa mga lugar na may pinakamalaking pangangailangan, at pagkakaroon ng centralized monitoring system para sa lahat ng school building projects.

Ina-update din ng DepEd ang pambansang classroom master plan gamit ang demographic projections, prioritization index, at school-level data. Isinasama nito ang mga proyekto ng LGUs at public-private partnerships sa isang central database, at hinihiling ang probisyon sa 2026 budget para magkaroon ng mas malawak na flexibility sa pagtatalaga ng mga implementer.

“Kung gusto nating walang batang maiwan, kailangan kumilos tayong lahat — mula national hanggang lokal, mula gobyerno hanggang pribadong sektor. Sama-sama nating dapat tiyakin na may silid-aralan ang bawat bata, kahit nasa bundok, isla, o baybayin na binabaha,” ani Angara.

END