LUNGSOD NG MAKATI, 15 Agosto 2025 — Sa bilin ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na alagaan ang sektor ng edukasyon, inilunsad ng Department of Education (DepEd) ang isang national recognition program para parangalan ang mga bayani ng edukasyon.

Layunin ng DepEd Heroes na ipagdiwang ang mga guro, magulang, at education partners na ang tapang at serbisyo ay tunay na nakapagpabago ng buhay sa loob at labas ng silid-aralan.

Sa unang pagdiriwang nito, ginawaran ng DepEd ang parangal kina Ma. Lourdes D. Rola, Master Teacher II ng Caloocan High School, at Dea Gavas Solayao, isang parent-volunteer mula sa Maybancal Elementary School sa Morong, Rizal.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, hindi lamang ito simpleng pagkilala kundi isang pangmatagalang pasasalamat.

“Panahon na para kilalanin ang kabayanihan ng mga guro, magulang-volunteer, school heads, at education partners hindi lang sa iisang petsa, kundi sa buong taon. Dahil hindi tumitigil ang kanilang trabaho, at hindi rin dapat tumigil ang ating pasasalamat,” ani Angara.

Mga Kuwento ng Kabayanihan: Teacher Rola at Mommy Dea

Naniniwala si Teacher Rola, na may higit 15 taon ng karanasan sa pagtuturo, ay na ang pagkatuto ay kasinghalaga ng tamang pananaw tulad ng mastery sa mga asignatura. Sa ilalim ng kanyang pangunahing adbokasiya na Project LET IT GROW, tinuturuan niya ang mga mag-aaral, guro, at magulang ng “growth mindset.”

Pinamumunuan din niya ang Project ALAB (Alay-Lingap Alang-Alang sa Bata), isang teacher-led adopt-a-child program na nagbibigay ng school supplies, pamasahe, meryenda, at patuloy na mentorship sa mga batang nangangailangan. Sa kanyang SALIN-KULTURA program, ginagawang mas makulay ang pag-aaral ng kulturang Pilipino sa pamamagitan ng laro, storytelling, at mga community event upang lalong maipagmalaki ng kabataan ang kanilang pagka-Pilipino.

“To be called a hero is something I never imagined because for me, being a teacher has always been about, not about recognition, but more about commitment and love for our learners,” ani Teacher Lou.

Samantala, si Ms. Solayao o mas kilala bilang “Mommy Dea” sa kanilang komunidad, ay nagsimula bilang volunteer noong 2020 nang maantala ang face-to-face classes dahil sa pandemya. Una siyang naglingkod bilang Gabay Aral tutor para tulungan ang mga mag-aaral na nahihirapan sa kanilang aralin. Kalaunan, natagpuan niya ang kanyang bokasyon sa pagkukuwento, sa pamamagitan ng Barangayan para sa Bawat Bata Bumabasa (BRB4) reading program ng paaralan.

Ginagawa niya ito kahit hindi lisensyadong guro, dala ng paniniwalang ang paghubog sa isipan ng kabataan ay hindi lamang tungkulin ng mga nasa propesyon ng pagtuturo.

“Sa ilalim lang po kami ng mga puno ng mangga dati, walang silya, walang blackboard, pero puno ng kagustuhang matuto ang mga bata. Kasi sila po mismo ‘yong gumagawa ng paraan para makasali doon sa ginagawa kong pagtulong,” ani Mommy Dea.

Sa pamamagitan ng DepEd Heroes, umaasa ang Kagawaran na mas marami pang matutuklasang gaya nina Teacher Rola at Ms. Solayao—mga taong maaaring hindi laging nababanggit sa balita, ngunit tahimik na binabago ang kinabukasan.