LUNGSOD NG MAKATI, 23 Agosto 2025 — Isinulong ni Education Secretary Sonny Angara ang pagbubukas ng mga datos pang edukasyon para sa magkaroon ng mas malawak na kaalaman ang mga magulang, guro, lokal na pamahalaan at publiko.

Bahagi ng transparency agenda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay ang paglulungsad ng DepEd ng Paaralang Bukas Dashboard.

Layunin nitong bigyang-lakas ang mga magulang, guro, lokal na pamahalaan, at ang publiko upang mas maunawaan ang kalagayan ng mga paaralan at ng pagkatuto sa bansa, at makibahagi sa pagtutulungan tungo sa mga solusyon.

Ang naturang transparency portal ay magbibigay ng malinaw na larawan tungkol sa performance at pangangailangan ng mga paaralan. Higit pa sa isang database, magsisilbi itong tulay sa pagitan ng government investments sa edukasyon at ng aktibong partisipasyon ng mamamayan sa pagsubaybay at pagpapahusay ng learning outcomes.

Sa pamamagitan ng dashboard, makikita ng publiko ang mga resulta ng pagsusulit ng mga paaralan, pribado man o pampubliko, kabilang ang Early Language, Literacy and Numeracy Assessment (ELLNA) at ang National Achievement Tests (NAT) para sa School Year 2023–2024. Tampok din dito ang mahahalagang impormasyon ng bawat pampublikong paaralan gaya ng bilang ng enrollees, pasilidad, utilities, gastusin sa maintenance, at iba pang kritikal na yaman—na magbubukas ng mas mataas na antas ng transparency sa pamamahala ng edukasyon.

“Ang datos ng ating mga paaralan ay dapat makita ng lahat, para sama-sama tayong makahanap ng solusyon at magbukas ng mas maraming oportunidad para sa kabataan,” ayon kay Angara.

Ayon naman kay DepEd Undersecretary for Strategic Management Ronald Mendoza, pinatitibay ng inisyatibang ito ang pangako ng kagawaran sa transparent governance sa basic education. “The disclosure of information promotes accountability as reforms and investments of the government become open to the public for participation in monitoring and evaluation. This is also aligned with the Open Government Partnership’s mission, of which the Philippines is one of the founding members,” aniya.

Ang Open Government Partnership ay isang pandaigdigang inisyatiba na isinusulong ang transparency, accountability, at responsiveness ng mga gobyerno.

Dahil sa open data effort ng DepEd, mas matutukoy at matutugunan ng iba’t ibang education stakeholders ang mga partikular na pangangailangan ng mga paaralan, mag-aaral, at guro. Halimbawa, maaaring ituon ang karagdagang tulong sa mga paaralang malinaw na nangangailangan ng suporta—maging sa pasilidad, kagamitang panturo, o pagpapahusay ng performance sa pagsusulit.

“Through this dashboard, we intend to encourage not only transparency but collaboration among various stakeholders, reflecting our vision to be more responsive to the needs of the education sector, while building on foundations towards reform and global competitiveness,” dagdag ni Mendoza.

END