LUNGSOD NG MAKATI, 27 AGOSTO 2025 — Alinsunod sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tugunan ang kakulangan ng mga silid-aralan sa bansa, inilunsad ng Department of Education (DepEd), katuwang ang HOPE at ilang nangungunang lokal na brand, ang Generation HOPE program upang makatulong sa pagresolba sa mga kinakailangan na classroom ng mga pampublikong paaralan.

Kasama ang BDO, SM, Penshoppe, Grab, Aivee, Carmen’s Best, at Sunnies sa Generation HOPE, kung saan bahagi ng kanilang kita at donasyon mula sa mga konsumer ang ilalaan para sa pagpapatayo ng mga bagong silid-aralan sa buong bansa. Ayon sa DepEd, ang inisyatibang ito ay kaagapay ng programa ng pamahalaan sa pagpapatayo ng silid-aralan sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) upang masigurong makarating ang pondo sa mga lugar na higit na nangangailangan.

“Sa tulong ng HOPE at ng ating mga private partners, nais naming patunayan na kapag nagkaisa ang pribado at pampublikong sektor, mas mabilis nating matutupad ang pangarap na walang batang naiwan sa edukasyon,” pahayag ni Education Secretary Sonny Angara.

“Patuloy tayong magtanim ng mga binhi ng pag-asa sa bawat espasyo kung saan nangangarap ang bata. Sapagkat sa Bagong Pilipinas, ang pag-asa ay hindi lamang hinihintay, kundi sama-samang binubuo,” dagdag pa niya.

Ang bawat HOPE classroom ay may sukat na 7×9 metro, matibay laban sa malalakas na bagyo at idinisenyo para maging komportable at ligtas na lugar ng pag-aaral. Kumpleto ito ng chalkboard, teacher’s table, wall fans, malalaking bintana para sa bentilasyon, cathedral-style na kisame para mas malamig ang daloy ng hangin, at sariling palikuran.

Itinatag noong 2012 ni Nanette Medved-Po, ang HOPE ay naglalaan ng 100 porsyento ng kita mula sa mga produktong tulad ng Hope in a Bottle at Hope in a Box para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan. Sa pakikipagtulungan sa malalaking brand, layon ng organisasyon na palawakin pa ang kanilang epekto at maabot ang mas maraming paaralang nangangailangan.

Ayon kay Medved-Po, simple ngunit makabuluhang paraan ito para makapag-ambag ang bawat Pilipino sa nation-building. “Filipinos always come together in times of need. In a world that is increasingly divided, let’s harness that power every day to support something we can all agree on: investing in the youth of this country to build a nation and ensure a brighter future,” aniya.

Mula nang itatag, nakapagtayo na ang HOPE ng 144 silid-aralan na nakinabang ang mahigit 52,000 mag-aaral sa buong bansa. Nakapagsagawa rin ito ng mga programang pangkomunidad na tumulong sa 32,000 magsasaka, nakapamahagi ng 2 milyong punla, at nakapag-divert ng 9.1 milyong kilo ng plastic waste mula sa kalikasan habang nakapagtanim ng mga punong nakapagsiquester ng 21,938 toneladang carbon.

END