ALBAY, 29 AGOSTO 2025Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang paghahanda ang kahandaan ng sektor ng edukasyon sa panahon ng sakuna, pinasinayaan ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang EduKahon, isang standardized at ready-to-deploy na school recovery kit na layong matiyak ang tuloy-tuloy na pag-aaral ng mga mag-aaral at guro kahit sa panahon ng mga sakuna at kalamidad.

Bilang bahagi ng Learning Continuity strategy, inilunsad ang EduKahon sa pagbisita ni Kalihim ng Edukasyon Sonny Angara sa Tabaco National High School sa Albay nitong Huwebes. Naglalaman ang mga kit ng mga kagamitang maaaring agarang ipalit sa mga nasira na school supplies at learning materials at sumusuporta sa pagtuturo at pagkatuto sa evacuation centers at pansamantalang silid-aralan.

“Ang ating mga mag-aaral at guro ang unang naaapektuhan tuwing may sakuna. Sa pamamagitan ng EduKahon, tinitiyak natin na tuloy ang pag-aaral ng mga bata at hindi mapuputol ang kanilang progreso sa kabila ng mga pangyayari,” ani Angara.

Ipapamahagi ang EduKahon sa tatlong lebel: ang School Kit para sa agarang pag-recover ng paaralan at mga pansamantalang espasyo sa pag-aaral, ang Teacher Kit para sa suporta sa pagtuturo, at ang Learner Kit para sa patuloy na access sa mga basic learning materials.

Ang bawat kahon ay nakalaan para sa isang guro at 40 mag-aaral. Naglalaman ito ng mga pangunahing school supplies gaya ng lapis, kuwaderno, ruler, pambura, gunting, laminated posters (alphabet, multiplication at number tables), aklat, hygiene kits, at first aid kits.

Para sa mga mag-aaral tulad ni Arianne Chloe Velilla, isang Grade 10 student mula Tabaco National High School, pag-asa ang hatid ng Edukahol dahil tinutugunan nito ang kanyang pangangailangan pang-edukasyon lalo na sa panahon ng sakuna. “Pinakanagustuhan ko po yung solar panel kit po kasi hindi lang po ito sa mga guro makakatulong kundi para rin sa estudyante. Alam naman natin sa panahon ngayon maraming nangyayaring kalamidad,” pagbabahagi niya.

Upang masiguro na magiging kapakipakinabang ito, ang nilalaman ng EduKahon ay iko- customize ayon sa uri ng tatanggap at sa partikular na pangangailangan ng mga apektadong paaralan.

“Itong lahat ng inisyatibo ni Secretary Angara, under the guidance of our President Ferdinand Marcos, ay para ito sa lahat ng estudyante at mga guro. It’s not just for the continuity of education but also for their safety. ‘Yan talaga yung number one na pinapahalagahan natin,” ani DepEd Undersecretary and Chief of Staff Fatima Lipp Panontongan.

Naglaan ang DepEd ng P4 milyon mula sa Basic Education Curriculum para sa paunang paglulunsad nito. Samantala, pangungunahan ng Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS) ang pamamahagi at monitoring ng mga kits sa mga pampublikong paaralan at community learning centers (CLCs) na apektado ng kalamidad sa buong bansa.

Bilang dagdag na hakbang, isasama rin ang EduKahon sa Adopt-a-School platform na magbibigay ng pagkakataon sa mga partners at donors na direktang makatulong sa paghahanda at pamamahagi ng mga kit.

“Muli, hinihikayat natin ang ating mga private partners na suportahan ang EduKahon. Pagtulungan po natin na mas mabilis makabalik sa pag-aaral at makabangon ang ating mga apektadong paaralan, mag-aaral, at guro,” sabi ni Sec. Angara.

END