LUNGSOD NG MAKATI, 29 AGOSTO 2025 — Bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na iangat ang kalidad ng edukasyon, pumirma ng Memorandum of Agreement (MOA) ang Department of Education (DepEd) kasama ang Security Bank Foundation, Inc. (SBFI) at Security Bank Corporation (SBC) para palakasin ang school leadership sa ilalim ng Mentoring Future Leaders for Nation-Building Program.

“Ang ating mga punong-guro at guro ang nagbibigay-buhay sa ating mga paaralan. Kung mas magiging mahusay ang kanilang pamumuno, mas magiging makabuluhan ang bawat aral, bawat klase, at bawat pangarap ng ating mga kabataan,” ayon kay Education Secretary Sonny Angara.

Ang programa ay isasagawa sa pakikipagtulungan ng Ateneo de Manila University, De La Salle Philippines, University of Bristol sa UK, at The HEAD Foundation sa Singapore. Sa kombinasyong ng local expertise at global perspective, inaasahang mabibigyan ang mga guro at principals ng mas advanced na training at mentoring tools.

Ang three-year mentoring program ay naka-phase: Year 1 ay tutok sa personal at professional growth ng school heads, Year 2 ay para sa school-wide improvement, at Year 3 ay para sa community engagement upang matiyak ang tagumpay ng mga estudyante.

Binigyang-diin ni Angara na habang prayoridad ng administrasyon ni Marcos ang pagtugon sa kakulangan ng silid-aralan, mahalaga ring paglaanan ng puhunan ang mga namumuno sa mga paaralan. “By raising the competence of our principals, we ensure that the massive investments in infrastructure and resources translate into better student outcomes,” dagdag ng kalihim.

Sa ilalim ng flagship program nitong Build a School, Build a Nation, nakapagpatayo na ang SBFI ng 845 classrooms sa 145 schools sa 86 lungsod at munisipalidad mula 2011. Naglaan din ito ng pondo para sa pagkukumpuni ng 449 classrooms, pagsasanay ng higit 36,000 teachers, at mentoring ng mahigit 170 school principals at mga guro sa buong bansa. Sa kabuuan, nasa ₱1.9 bilyon na ang nailaan ng bangko para sa education initiatives, kabilang ang ₱237 milyon noong 2024.

Binanggit ni SBFI Chairman Rafael F. Simpao Jr. na ang bagong partnership na ito ay pagpapalalim ng commitment ng bangko sa nation-building.

Dumalo rin sa ceremonial signing ang 29 principals mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, na siya ring mga benepisyaryo ng classroom donations ng SBFI. Sila ang pangatlong batch na lalahok sa programa na sinimulan noong 2023 at inaasahang magbibigay ng multiplier effect sa kanilang mga guro, estudyante, at komunidad.

Sinabi ni Angara na ang programang ito ay tugma sa direktiba ni Pangulong Marcos na palakasin ang edukasyon sa pamamagitan ng public-private partnerships (PPPs). “With partners like Security Bank, we are not only building classrooms but also building capacity. Hindi lang mga gusali ang ating itinatayo, kundi kinabukasan ng ating mga kabataan,” aniya.

 

END