BALER, AURORA, 1 Setyembre 2025 – Upang tiyakin na ang bawat guro at mag-aaral ay may masiglang pangangatawan at kaisipan, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at Education Secretary Sonny Angara ang Yaman ng Kalusugan (YAKAP) Caravan ngayong araw sa Aurora National High School.

Ang caravan ay bahagi ng CLASS+ (Clinics for Learners’ Access to School-health Services Plus), isang programa ng Department of Education (DepEd) at PhilHealth na naglalayong iugnay ang mga school clinics sa local health systems. Ginagawa ito sa pamamagitan ng PhilHealth Konsulta, ang primary care benefit package ng ahensya na nagbibigay ng mga konsultasyon, laboratory tests, at gamot.

Ngayon ay mas pinalawak at pinalakas ng PhilHealth ang Konsulta package sa bagong YAKAP Program. Ang YAKAP Program ay naglalayong alagaan ang lahat ng Pilipino ilayo sila sa sakit sa pamamagitan ng libreng check-up, mga laboratory test, cancer screening test, at mga gamot. Bawat miyembro ay mayroong hanggang P20,000 na halaga ng gamot kada taon.

Sa ginanap na caravan sa Aurora, higit sa 200 mag-aaral sa elementarya ang sumailalim sa eye check-up. Samantala, mahigit 350 guro, non-teaching personnel, at mga mag-aaral sa mataas na paaralan naman ang nakinabang sa iba’t ibang serbisyong medikal gaya ng X-ray, ECG, urinalysis, at ultrasound.

Ito ay pagpapatuloy ng matagumpay na caravan sa Esteban Abada Elementary School sa Quezon City noong Hunyo 18, 2025 na dinaluhan ni Secretary Angara, Health Secretary Ted Herbosa, at Quezon City Mayor Joy Belmonte. Kasama ang 1Life Philippines, isang private diagnostics company, tulong-tulong ang DepEd, DOH, PhilHealth, at LGUs upang magkaroon ng first patient encounter at taunang masuri ang mga mag-aaral, guro, at non-teaching personnel. Layunin ng DepEd na palawakin hindi lamang ang caravan drives, kundi pati na rin ang CLASS+ sa iba pang mga rehiyon.

Binigyang-diin naman ni Secretary Angara ang kahalagahan ng pagtutulungan para sa kalusugan ng mga paaralan. “Ang kalusugan ng ating mga mag-aaral ang pundasyon ng dekalidad na edukasyon. Sa pamamagitan ng CLASS+ at YAKAP, sinisiguro natin na ang bawat bata ay may lakas at sigla upang matuto at abutin ang kanilang mga pangarap,” aniya.

Iginiit ni Pangulong Bongbong Marcos na ang mga programang tulad ng CLASS+ at YAKAP ay patunay ng “whole-of-nation approach” ng kanyang administrasyon. Tinitiyak ng pamahalaan, sa tulong ng mga pribadong partner, ang suporta para sa mga pamilyang Pilipino, lalo na sa mga guro at kabataan.

END