![]() |
LUNGSOD NG MAKATI, 2 Setyembre 2025 — Pinasalamatan ni Education Secretary Sonny Angara si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ang Department of Budget and Management (DBM) sa paglalaan nito ng ₱1.224 trilyon para sa sektor ng edukasyon sa panukalang FY 2026 national budget—kung saan sa kauna-unahang pagkakataon, nilaan ng Pilipinas ang 4% ng Gross Domestic Product (GDP) para sa edukasyon, alinsunod sa pamantayan ng UNESCO.
Sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng DBM sa Kongreso, makakakuha ang Department of Education (DepEd) ng pinakamalaking bahagi na ₱928.52 bilyon. Tatanggap naman ang mga State Universities and Colleges (SUCs) ng ₱134.99 bilyon, ang Commission on Higher Education (CHED) ng ₱34 bilyon, at ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng ₱20.24 bilyon.
“Nagpapasalamat tayo sa ating mahal na Pangulo dahil, sa kauna-unahang pagkakataon, compliant sa UNESCO standards ang budget ng edukasyon. Patunay ito na nasa pinakamataas na prayoridad ni PBBM ang edukasyon ng ating bansa,” ani Secretary Angara.
“This landmark move is not only an investment in education—it is an investment in the future of our learners, ensuring they receive the highest quality of education possible,” dagdag pa niya.
Ang panukalang badyet ng DepEd, na nakabatay sa 5-Point Reform Agenda nito, ay mas mataas ng 18.9% kumpara sa FY 2025 General Appropriations Act. Mula sa kabuuan, ₱115.4 bilyon ang ilalaan para sa operasyon ng mga paaralan, Senior High School Voucher Program, at School-Based Feeding Program, at iba pa.
Maglalaan din ang Kagawaran ng ₱41.6 bilyon para sa konstruksyon, pagkukumpuni, at rehabilitasyon ng mga silid-aralan at iba pang programa sa ilalim ng Basic Education Facilities Fund upang matugunan ang matagal nang kakulangan sa mga silid-aralan.
Palalakasin din ng DepEd ang pwersa ng mga kawani nito sa pamamagitan ng ₱15.4 bilyon para sa karagdagang plantilla positions gaya ng Project Development Officers at Administrative Officers upang higit na masuportahan ang mga guro. Samantala, ₱13.8 bilyon ang ilalaan para sa DepEd Computerization Program upang mapaunlad ang digital learning.
Para sa mga attached agencies ng DepEd, ang mga panukalang pondo ay ang mga sumusunod: National Museum of the Philippines (₱840.9 milyon), National Academy of Sports (₱251.1 milyon), Teacher Education Council (₱207.5 milyon), Philippine High School for the Arts (₱160.7 milyon), National Book Development Board (₱156.6 milyon), at National Council for Children’s Television (₱72.6 milyon).
Sa pamumuno ni Secretary Angara, nakatakda nang idepensa ng DepEd ang panukalang 2026 budget nito sa mga susunod na linggo, na magsisimula sa deliberasyon sa antas-komite ng Kapulungan ng mga Kinatawan.
END


