![]() |
LUNGSOD NG PASIG, 3 Setyembre 2025 – Ikinokonsidera na ng Department of Education (DepEd) ang posibilidad na pagpapahintulot sa mga Local Government Units (LGUs) na direktang makilahok sa konstruksiyon ng mga silid aralan sa buong bansa. Ang inisyatibong ito ay maaring tatapos na sa matagal ng nakagawian na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang siyang nagsasagawa ng konstruksiyon ng mga classrooms sa bansa.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, ang pinaka layuinin nito ay upang matiyak na magiging mas mabilis ang konstruksiyon at agad maresolba ang kakulangan ng silid aralan.
“Every classroom we add brings hope and opportunity to learners. But delays in construction mean children wait longer than they should. That is why we are looking for ways to build faster and smarter, with partners who are closest to the ground,” aniya.
Mas Pinalawak na Opsyon
Sa kasalukuyan, karamihan ng mga proyekto sa pagpapatayo ng paaralan ay idinadaan sa DPWH, isang proseso na humaharap sa hamon ng bilis at kahusayan. Upang magkaroon ng mas maraming opsyon, nais ng DepEd na magkaroon ng flexibility sa 2026 General Appropriations Act (GAA), na kailangan ng pag-apruba ng Kongreso, upang mas direktang makasali ang LGUs at iba pang partners sa pagpapatayo ng mga silid-aralan.
Binigyang-diin ng DepEd na magkakaiba ang kakayahan ng bawat LGU. May ilan na may sapat na teknikal na kaalaman, pondo, at pamamahala upang mabilis na maisagawa ang mga proyekto, habang ang iba ay mangangailangan pa ng dagdag na tulong. Bilang tugon, pinag-aaralan ng Kagawaran ang mga mekanismo tulad ng isang accreditation system upang maitugma ang mga gawain sa kahandaan, gayundin ang pagbibigay ng suporta sa mahihirap na LGU sa pamamagitan ng technical assistance, co-financing, o clustering.
Magpapatuloy ang paggamit ng standardized classroom designs, cost ceilings, at mga teknikal na pamantayan na itinakda ng DepEd upang matiyak ang kaligtasan at kalidad ng mga proyekto sa buong bansa. Samantala, mananatiling opsyon ang pakikipagtulungan sa DPWH kung kinakailangan, para magkaroon ng flexible na pamamaraan na pinagsasama ang pambansang pangangasiwa at lokal na inisyatiba.
Pagpapanatili ng nasimulan
Mula nang maupo sa puwesto noong Hulyo 2024, nakalikom na si Secretary Angara ng mahigit ₱458 milyon mula sa pribadong sektor, na inaasahang magpopondo ng hindi bababa sa 84 bagong silid-aralan at ilang pasilidad na i-a-upgrade. Ipinunto niya na ipinapakita nito ang kahandaan ng mga komunidad, civil society, at negosyo na mag-ambag ng solusyon.
“Our partners in local governments, civil society organizations, and the private sector have shown they want to be part of the solution. What we hope to do is create the space for their contributions to make a bigger impact,” ayon kay Angara.
Binigyang-diin ng DepEd na ang pagtugon sa kakulangan ng silid-aralan ay nangangailangan ng pagkakaisa mula sa lahat ng sektor at antas ng pamahalaan. Bagama’t may mga hamon pa, naniniwala ang kagawaran na sa pamamagitan ng pagtutulungan at inobasyon, unti-unting malalampasan ito.
“Our goal is simple: every Filipino child deserves a safe and decent classroom. We may not get there overnight, but by working together and exploring new ways forward, we can move closer to that future,” saad ni Angara.
END


