BALER, AURORA, 3 Setyembre 2025 — Bilang suporta sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magbigay ng skills development training sa mga Pilipino, nakibahagi si Education Secretary Sonny Angara sa Department of Tourism (DOT) sa paglulunsad ng Bayanihan sa Bukas na May Pag-asa sa Turismo (BBMT) program sa Aurora.

Sa pangunguna nina Pangulong Marcos, Jr. at Tourism Secretary Christina Garcia Frasco, sa pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), layunin ng inisyatiba na magbigay ng tulong pinansyal at pagsasanay sa mga tourism workers na naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad.

Sa paglulunsad ng BBMT sa Aurora, personal na iginawad nina PBBM, Secretary Angara, at Secretary Frasco ang training grants sa 1,197 displaced tourism employees sa lalawigan.

Magkakaroon din ng pagkakataon ang mga benepisyaryo na lumahok sa mga alternative livelihood workshops tulad ng paggawa ng tinapay at pastry, paggawa ng detergent at kandila, hilot (traditional massage), beadwork, at paggawa ng massage oil.

“Malaking bagay talaga ang ganitong mga inisyatiba ng pamahalaan para mas matulungan ang ating mga kababayang nasa industriya ng turismo. Ganoon din ang hangarin natin sa DepEd—na maibigay ang skills development training sa ating mga mag-aaral para mas mapaunlad at magamit nila ang kanilang kakayahan,” ani Secretary Angara.

Kaugnay sa inisiyatibang ito, nakikipagtulungan din ang Department of Education (DepEd) sa iba pang ahensya ng pamahalaan upang matiyak na ang mga Senior High School (SHS) graduates, partikular na ang nasa Technical-Vocational-Livelihood (TVL) track, ay may sapat na career-ready skills.

Kamakailan, nakipagpartner ang DepEd sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang magbigay ng libreng national certification assessments para sa mga TVL graduates—na makatutulong upang mapatunayan ang kanilang kakayahan at mapalakas ang kanilang employability. Nakipag-ugnayan din ang Kagawaran sa mga pribadong paaralan, technical-vocational institutions, at mga industry partners sa buong bansa sa pagbuo ng Strengthened SHS Program upang makapagprodyus ng mga future- at job-ready na Pilipino.

Sa ilalim ng TVL track, mayroon ding Home Economics specializations para sa mga Senior High School learners na nais mag-trabaho sa industriya ng hospitality, management, at turismo sa pamamagitan ng Tourism Promotion Services NC II program.

“Ipinapaabot natin ang ating pasasalamat kay PBBM para sa kaniyang taos-pusong suporta sa mga Pilipinong tunay na nangangailangan ng tulong ng pamahalaan. Masuwerte rin tayo na dito mismo sa ating probinsiya inilunsad ang programang ito—na kilala rin sa iba’t ibang magagandang tourist destinations,” dagdag pa ni Angara.