![]() |
AURORA PROVINCE, 3 Setyembre 2025 — Kaugnay ng layunin ng administrasyon na mailapit ang mahahalagang serbisyo sa mga Pilipino, sinamahan ni Kalihim ng Edukasyon Sonny Angara si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kaniyang ikalawang pagbisita sa Aurora upang magbigay ng suporta sa mga mag-aaral, guro, at komunidad sa lalawigan.
Bumisita si Pangulong Marcos, Jr. sa Baler kinaumagahan upang puntahan ang mga tourism workers na naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad, at nagkaloob ng pinansyal na tulong sa 1,197 benepisyaryo sa ilalim ng Bayanihan sa Bukas na May Pag-asa sa Turismo (BBMT) program.
Para siguruhin ang kalusugan at kapakanan ng mga guro at mag-aaral, pinangunahan din ng Pangulo ang Yaman ng Kalusugan (YAKAP) Caravan sa Aurora National High School. Sa inisyatibang ito, nakapagbigay ng libreng serbisyong medikal kabilang ang eye checkup para sa humigit-kumulang 200 batang mag-aaral sa elementarya, gayundin ng tulong pangkalusugan para sa nasa 350 guro, non-teaching staff, at mga high school students.
Nagbigay-pugay din si Pangulong Marcos kay yumaong Senate President Edgardo Angara sa pamamagitan ng pagbisita sa kaniyang mausoleo, bilang pagkilala sa mga naging mahalagang ambag nito sa edukasyon, agrikultura, at kultura ng Pilipinas.
“As an Auroreño, I am deeply grateful for our President’s initiative in bringing these essential services to our province. Malaking tulong ito para masiguro ang maayos na kalagayan ng ating mga kababayan—lalo na ng ating mga mag-aaral at guro. Bonus na rin sa akin na naka-bisita siya sa aking ama,” ani Secretary Angara.
Batay sa 2023 ulat ng Philippine Statistics Authority, kabilang ang Aurora sa mga lalawigan sa Gitnang Luzon na nagtala ng 4.6% na pag-angat sa ekonomiya noong 2023, kung saan umabot sa ₱34.43 bilyon ang Gross Domestic Product (GDP) ng lalawigan sa parehong panahon. Ang tuloy-tuloy pag-angat ng probinsiya ay sumasalamin sa pagiging mas masigla at pagiging kakaiba ng mga Auroreño sa pamamagitan ng tamang paggamit ng yaman at potensyal ng lalawigan.
Mahigit isang taon na ang nakalipas nang pangunahan din nina Pangulong Marcos at Secretary Angara ang pagbibigay ng ₱10-milyong grant sa Pamahalaang Panlalawigan ng Aurora upang suportahan ang mga lokal na proyekto para sa kaunlaran at makapagbigay ng makinarya sa mga magsasaka at mangingisda, na nagpalakas sa produktibidad ng agrikultura sa lalawigan.
END


