![]() |
LUNGSOD NG MAKATI, 4 Setyembre 2025 — Nilinaw ni Education Secretary Sonny Angara na hindi na ipatutupad ng Department of Education (DepEd) ang Comprehensive Sexuality Education, matapos ilabas ng ahensya ang DepEd Order No. 025, s. 2025—isang bagong polisiya sa Reproductive Health Education (RHE)—alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pangalagaan ang kapakanan ng mga mag-aaral.
Sinasalamin ng inisyatibang ito ang pangako ng DepEd na maghatid ng edukasyon sa reproductive health na naaayon sa edad at antas ng pag-unlad ng mga kabataang nasa edad 10 hanggang 19, simula sa Grade 5.
“Layunin ng bagong polisiya natin na maturuan ang ating mga mag-aaral patungkol sa reproductive health ayon sa kanilang edad. We are also emphasizing that the implementation of this new policy will be culturally sensitive and contextually relevant,” ayon kay Kalihim Angara.
Nilinaw ng DepEd na ang bagong polisiya ay nakabatay sa Republic Act No. 10354, o ang Responsible Parenthood and Reproductive Health Law of 2012. Ang naturang framework ay nakatuon sa kalusugan, personal na pananagutan, at paggalang sa mga relasyon—na ituturo ng sinanay na mga guro sa paraang akma sa edad at may mataas na sensibilidad.
Kaugnay nito, sasailalim sa sapat na pagsasanay at tuloy-tuloy na propesyonal na pag-unlad ang mga gurong magpapatupad ng RHE, na susuportahan ng sapat na kagamitan upang matiyak ang kanilang kakayahan at pagiging sensitibo sa pagtuturo ng mga aralin.
Tiniyak din ng Kagawaran na lahat ng instructional materials ay magiging tama ayon sa siyensiya at nakabatay sa ebidensya, at walang bahid ng maling paniniwala o ideolohiya. Higit pa rito, itataguyod ng RHE ang gender sensitivity at tutugon sa mga isyu ng gender-based violence na patuloy na nararanasan sa mga paaralan.
Mahalaga ring bahagi ng polisiya ang pakikilahok ng mga magulang ng mga kabataang mag-aaral sa pamamagitan ng pagbabahagi ng impormasyon, konsultasyon, at mga aktibidad para sa pagpapalakas ng kanilang kaalaman, upang masiguro na sila rin ay pamilyar sa mga pangunahing konsepto ng RHE.
“We want to ensure that our adolescent learners are equipped with the right knowledge on RHE. This policy is not just about disseminating information—it is about shaping responsible learners who uphold Filipino cultural values, traditions, and beliefs,” dagdag ni Angara.
END


