![]() |
LUNGSOD NG MAKATI, 4 Setyembre 2025 — Ipinahayag ni Kalihim ng Edukasyon Sonny Angara ang kanyang pasasalamat sa suporta at panawagan ng mga miyembro ng House of Representatives (HRep) para sa karagdagang pondo, matapos matagumpay na nailahad ng Department of Education (DepEd) ang panukalang badyet nito para sa Fiscal Year 2026 sa Committee on Appropriations noong Miyerkules, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gawing pangunahing prayoridad ang edukasyon sa susunod na taon.
Ang panukalang badyet ng ahensya para sa 2026—na nagkakahalaga ng ₱928.52 bilyon sa ilalim ng National Expenditures Program—ay katumbas ng 18.9% pagtaas kumpara sa 2025 General Appropriations Act. Inilarawan ito ni Kalihim Angara bilang pinakamalaking pagtaas sa mga nagdaang taon.
“We thank the committee and the members for giving us the time to present our programs and proposals. In the Department, we hold on to a simple truth—that those who have less in life should have more in education,” ani Angara.
Maigting na panawagan para sa mas mataas na pondo sa edukasyon
Pinagtibay ni Committee on Appropriations Chairperson Rep. Mikaela Angela Suansing ang suporta ng Kamara para kay Pangulong Marcos Jr. at sa DepEd.
“As the President said, we want this budget to be an education budget. So I will take the words of Sec. Angara, who was also a brilliant chair of the Senate Finance Committee, if we are able to find ample fiscal space, we commit to prioritize funding for education,” saad niya.
Pinuri rin ni Sultan Kudarat 2nd District Rep. Bella Vanessa Suansing ang pamumuno ni Angara, partikular sa paggamit ng teknolohiya upang tugunan ang mga kakulangan sa edukasyon. “We have to address gaps immediately and our good Secretary has been working extremely hard to address those gaps… It’s really hard to find people in government who are willing to go beyond their mandate and we have that in the Department of Education,” ani Rep. Suansing.
Samantala, binigyang-diin naman ni Zamboanga del Norte 2nd District Rep. Irene Labadlabad ang pangangailangang unahin ang badyet ng DepEd higit sa lahat ng iba pang ahensya ng pamahalaan.
Aniya, “I want to urge this body to hopefully fight for a higher [budget]…I know we’re working with the tight fiscal space but we can do our best to urge this body to increase the budget for DepEd.”
Sa kanyang sponsorship message, binigyang-diin ni Committee on Appropriations Vice Chairperson at DepEd Budget Sponsor Rep. Maria Carmen Zamora na direktang tutugunan ng panukalang badyet ang mga matagal nang hamon sa sektor ng edukasyon.
“This expanded budget is designed to strengthen and grow the teaching workforce, enhance learning integration, and combat child stunting, ensuring that learners receive adequate nutrition to support their physical and mental development. It also aims to close resource and infrastructure gaps in schools,” ayon kay Rep. Zamora.
Nagpaabot din si Angara ng taos-pusong pasasalamat sa pamunuan ng Kongreso: “To our brilliant defender and sponsor, Cong. Maricar Zamora—seven years, wow. Hindi ko alam paano mo nagawa ‘ho yun. Nagpapasalamat din po tayo kay Committee Chair Cong. Mika Suansing at sa lahat ng mga committee members.”
Wais na paggamit ng bawat piso at sentimo
Sa naturang pagdinig, iniulat ni Secretary Angara na pinaigting ng Kagawaran ang paggamit ng pondo para sa FY 2024 sa ilalim ng continuing appropriations. Ibinahagi niya na mula sa 56% ng hindi nagamit na pondo noong nakaraang taon, 43.2% ay nagastos na ng ahensya sa 2025.
Tinalakay rin niya sa mga miyembro ng komite ang mga pangunahing programa at inisyatiba para sa mga guro at mag-aaral, kabilang ang pagkuha ng karagdagang teaching staff at administrative officers, pagbibigay ng mga benepisyo sa guro, pagpapatupad ng School-Based Feeding Program, at pagbili ng mga learning materials at textbooks.
Gayunpaman, kinilala ng Kagawaran na nananatiling hamon ang kakulangan sa silid-aralan at ang digital gap. Nangako naman si Angara na ipagpapatuloy ng DepEd ang paghahanap ng malikhain at inobatibong solusyon upang matugunan ang mga suliraning ito.
“Kagaya ng palagi nating sinasabi, patuloy tayong gumagawa ng mga pamamaraan para lutasin ang mga suliranin na kinakaharap ng ating mga mag-aaral at guro. Sa pamamagitan ng suporta ng Kongreso, mas magiging mabilis at maayos ang paghahatid natin ng serbisyo sa mga paaralan,” aniya.
END


