KORONADAL CITY, 7 Setyembre  2025 — Kaakibat ng mga direktibang inilatag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa kanyang nakaraang State of the Nation Address, binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara ang mahahalagang reporma sa edukasyon na nakatuon sa pagpapabuti ng kapakanan ng mga guro sa 2025 National Teachers’ Month Kick-Off program.

“Alam niyo po, I’ve been in the Department for a little over one year, at ‘di ko nakakalimutan ang pangunahing mga instruction ng ating mahal na Pangulo na si President Bongbong Marcos. Sabi niya, ‘Sonny, you must take care of our teachers, they are the heart of our educational system’,” ani Kalihim Angara.

“At mula no’n, ‘yon ay top of the DepEd’s agenda. Kaya nakita niyo po, tuloy tuloy ang mga benepisyo, tuloy tuloy ang pag-alaga ng Department of Education sa ating guro.”

Ibinahagi rin ni Kalihim Angara na nabawasan ng 57% ang dami ng school forms na kinakailangan gawain ng mga guro—kung saan binibigyang-diin ang kahalagahan ng mas maraming oras ang gugulin ng mga guro sa pagtuturo kaysa sa mga gawaing administratibo.

Kinilala rin niya ang panawagan ni Pangulong Marcos Jr. para sa makatarungang kompensasyon sa mga guro na nagre-render ng overtime services na lampas sa oras ng klase. Nitong Sabado, nilagdaan ni Angara ang Guidelines on the Payment of Overtime Services of Teachers, na nagbibigay ng malinaw na gabay para sa mga guro sa pag-claim ng kanilang overtime pay.

Bilang dagdag na suporta, nakalaan ang ₱114.39 bilyon para sa Personnel Services sa ilalim ng FY 2026 National Expenditure Program. Tinitiyak nito na ang mga sahod, benepisyo, at allowance ng mga guro ay maibibigay nang maayos. Sinusuportahan din nito ang layunin ng Pangulo na makapag-hire ng dagdag na guro upang maabot ang ideal na laki ng klase sa mga paaralan.

Bukod dito, ibinahagi ni Angara na pinabilis ng DepEd ang pagproseso ng ₱7,000.00 medical allowance simula noong nakaraang buwan. May opsyon ang mga guro na pumili sa pagitan ng agency-issued HMO package o direktang cash assistance para sa personal na paggamit. Binibigyang-prayoridad din ng programang ito ang mga guro na nagsisilbi sa mga liblib at hirap maabot na lugar.

“‘Yan talaga ay galing sa puso ni PBBM na gusto niyang tulungan ang ating mga guro dahil sa paniniwala niya, you are our modern day heroes, kayo ang aming bayani. You are our heroes. You are our exemplars. You are our immortal,” ani Sec. Angara sa kanyang mensahe para sa mga guro.

END