![]() |
LUNGSOD NG MAKATI, 9 Setyembre 2025 — Kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa mas maayos na kompensasyon ng mga guro, naglabas si Kalihim ng Edukasyon Sonny Angara ng DepEd Order No. 26, s. 2025 o Guidelines on the Payment of Overtime Services of Teachers.
“Mahalaga para sa Kagawaran na mabigyan ng sapat na kompensasyon ang ating mga guro—lalo na kapag sila ay naglalaan ng dagdag na oras sa ating mga paaralan. Tugon natin ito sa panawagan ni PBBM sa kanyang nakaraang SONA na tiyaking may dagdag na benepisyo at kompensasyon ang ating mga guro,” ani Kalihim Angara.
Ayon sa bagong polisiya, ang isang public school teacher na nakatapos ng regular na anim (6) na oras ng pagtuturo ay maaring mag-render ng overtime. Nilinaw din sa pamantayan na ang overtime ay dapat kaugnay lamang ng gawaing may kinalaman sa pagtuturo sa loob ng paaralan.
Makakatanggap ng bayad ang mga guro ng 125% ng kanilang hourly rate para sa overtime sa regular na araw ng trabaho, at 150% naman kung magtatrabaho sila tuwing weekend, holiday, o special non-working day.
Dagdag pa ng DepEd:
• Weekdays: Magkakaroon ng monetary compensation kung dalawang (2) oras pataas ang overtime. Kapag mas mababa sa dalawang oras, iko-convert ito sa Vacation Service Credits (VSC).
• Weekends, holidays, at special non-working days: Hanggang apat (4) na oras ang babayaran, at anumang sobra ay iko-convert din sa VSC.
Sakop ng polisiya ang lahat ng full-time teachers sa DepEd, kasama ang nasa Alternative Learning System (ALS), maging sila man ay permanent, substitute, o provisional. Paalala rin na dapat naka-apruba ang overtime ng school head o authorized official, at gagawin lamang kung talagang kinakailangan.
“Nagpapasalamat tayo sa ating mahal na Pangulo dahil laging nasa pinakamataas ng kanyang prayoridad ang edukasyon—lalo na ang kapakanan ng ating mga guro. Patuloy nating isusulong ang mga makabuluhang inisyatiba upang higit pang iangat ang dignidad at kapakanan ng ating mga guro,” dagdag pa ni Angara.
Ang bagong kautusang ito ay nakadugtong sa mga repormang sinimulan noong nakaraang taon, nang ilabas ni Secretary Angara ang DepEd Memorandum No. 53, s. 2024. Nilinaw dito ang mga panuntunan para sa DO 5, s. 2024 na nag-ayos ng workload ng mga guro at pagbabayad sa teaching overload. Layunin ng mga hakbang na ito na magkaroon ng mas maayos at makatarungang working environment para sa mga guro.
END


