LUNGSOD NG MAKATI, 13 Setyembre 2025 — Bilang bahagi ng patuloy na pagtutok sa edukasyon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., pormal na inilunsad ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program noong Sabado. Layunin ng programa na tugunan ang krisis sa pagkatuto sa bansa at palakasin ang mga pundasyong kasanayan ng mga mag-aaral.

Sabay-sabay na inilunsad sa buong bansa ang ARAL Program, sa pangunguna ng mga kasapi ng Executive Committee (ExeCom) ng DepEd na lumahok sa mga aktibidad sa iba’t ibang panig ng bansa. Kasabay ng paglulunsad ang pagdiriwang ng kaarawan ni Pangulong Marcos, Jr. at International Literacy Day noong Setyembre 8. Binibigyang-diin nito ang dedikasyon ng Pilipinas sa pagsusulong ng de-kalidad na edukasyon bilang isang UNESCO Member State.

Alinsunod sa Republic Act No. 12028, na nilagdaan ng Pangulo noong nakaraang taon, magbibigay ang ARAL Program ng tutorial support sa mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 10 sa Pagbasa, Matematika, at Agham upang matulungan silang maabot ang mga kasanayang inaasahan sa kanilang antas.

“Layunin natin sa ARAL na hindi lamang tiyakin na makakahabol ang ating mga mag-aaral na nahuhuli sa klase—committed din tayo na bumuo ng mas matibay na foundational skills, dahil ang Key Stage 1 ang pinakamahalagang yugto sa pag-unlad ng bawat bata. Kaya’t lubos ang pasasalamat natin sa ating mahal na Pangulo na tiniyak na maisasabatas ang programang ito,” pahayag ni Education Secretary Sonny Angara.

Para sa School Year 2025–2026, uunahin ng ARAL ang Pagbasa (ARAL-Reading) upang magbigay ng agarang tulong sa mga mag-aaral na nangangailangan nito—lalo na ang mga low at high emerging readers, gayundin sa mga frustrated readers. Sa ngayon, nasa 6,713,352 mag-aaral na ang natukoy ng DepEd bilang benepisyaryo ng programa na tutulungan ng 447,537 tutors at 45,084 school heads.

Magsisimula ang ARAL-Reading sa ikalawang quarter ng SY 2025–2026. Sa mga susunod na yugto, lalawak ang programa upang isama ang ARAL-Mathematics (Grades 1–10), ARAL-Science (Grades 3–10), at ARAL-Summer Programs.

Upang matiyak ang pagiging handa, nagsagawa ang DepEd ng pagsasanay para sa mga tutor, nagpamahagi ng mga learning resource, at inilunsad ang ARAL School Readiness and Responsiveness Audit (ASRRA).

Ang mga ARAL Tutor ay binubuo ng mga guro, para-teachers, pre-service teachers, at iba pang sinanay na indibidwal. Lahat sila ay makakatanggap ng naaangkop na pagsasanay at kabayaran.

Makikipagtulungan din sa mga magulang at guardian sa pamamagitan ng mga orientation upang palakasin ang kanilang papel sa pagsuporta sa pagkatuto ng kanilang mga anak sa bahay at pagre-reinforce ng mga aralin mula sa programa.

Sa paglulunsad, namahagi rin si Secretary Angara, kasama ang mga miyembro ng ExeCom ng DepEd, ng EduKahon—ang standardized school recovery kit ng Kagawaran—na nagpapakita ng dedikasyon ng DepEd na tiyakin ang pagpapatuloy ng pagkatuto kahit sa mga panahon ng pagkaantala.

Ang ARAL Program ay nakabatay sa mga tagumpay ng mga naunang inisyatiba ng DepEd sa literasiya tulad ng Bawat Bata Makababasa Program (BBMP) at Nationwide Learning Recovery Program (NLRP), na parehong nagresulta sa malaking pag-unlad sa pagbasa at mga learning outcome ng mga mag-aaral na lumahok.

END