LUNGSOD NG MAKATI, 15 Setyembre 2025 – Pinarangalan ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang dalawang natatanging guro bilang bahagi ng ikalawang batch ng DepEd Heroes, isang programa ng pagkilala na nagbibigay-pugay sa walang sawang dedikasyon at katatagan ng mga guro, kawani, at katuwang sa edukasyon sa buong bansa.

Kabilang sa mga pinarangalan ang isang guro na patuloy na nagtuturo sa kabila ng kanyang malubhang karamdaman, at isang guro mula sa Alternative Learning System (ALS) na nangunguna sa pagpapatupad ng mga programang pangkabuhayan sa Laguna.

Mga Kuwento ng Bayani: Gng. Marivic at Gng. Mary Jane

Sa gitna ng kanyang laban sa cancer, patuloy ang pagtuturo ni Gng. Marivic E. Villacampa, guro sa Bulihan Integrated National High School sa Silang, Cavite, sa kabila ng kanyang ginagawang chemotherapy.

May dalawa siyang full teaching loads at pilit pa ring pumapasok sa paaralan upang matiyak na hindi mapag-iiwanan ang kanyang mga estudyante sa kalidad ng edukasyon.

“Ako po ay may breast cancer, stage 4 triple positive. Hinamon ko ang taning ng siyensya kasi may Panginoon, at sinasabi kong ako ay mabubuhay at patuloy na magpapastol sa mga batang nasa aking harapan,” ani Gng. Villacampa.

Umani ng paghanga ang kanyang kwento sa buong komunidad ng DepEd, bilang simbolo ng katapangan at pagmamalasakit sa gitna ng personal na pagsubok.
Samantala, sa Laguna, binago ni Gng. Mary Jane N. Reodica, isang ALS teacher, ang paraan kung paano naaabot ng mga out-of-school youth at marginalized adults ang edukasyon.

Inilunsad niya ang Luisiana Alternative Livelihood and Advancement (L.A.L.A.) Project noong 2021, na nagbibigay ng pagsasanay sa baking, meat processing, paghahabi ng pandan, paggawa ng kandila, computer literacy, at iba pang kasanayang pangkabuhayan.

Isa sa kanyang mga pangunahing inisyatibo ang “Pagpapasigla ng Kulturang Luisiana 101: Paglala,” na muling binibigyang-buhay ang sining ng paggawa ng bayong, upang mapanatili ang lokal na kultura habang nagbibigay ng kabuhayan sa mga mag-aaral. Siya rin ang nangunguna sa ALS Luisiana Festival, isang taunang selebrasyon ng tagumpay ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng mga paligsahang pang-akademiko at pagtatanghal ng kultura.

“Ang pagiging ALS teacher ay hindi lang trabaho. Ito po ay isang misyon. Ang ating mga silid-aralan ay hindi laging sa apat na sulok ng kwarto. Minsan kalsada, minsan barangay hall, minsan sa ilalim ng puno. Pero saan man iyon, isang bagay ang hindi nagbabago: ang puso na magturo at ang pag-asa na makapagbigay-inspirasyon,” ani Gng. Reodica.

Ang DepEd Heroes ay isang programa ng pagkilala na tampok ang mga nakaaantig na kwento ng mga guro at katuwang sa edukasyon na lumalampas sa kanilang tungkulin. Layunin ng programa na itaguyod ang kultura ng kahusayan, malasakit, at sama-samang pananagutan sa edukasyon.

“Ito ang tunay na diwa ng DepEd Heroes. Hindi lang para kilalanin ang ating mga huwarang bayani kundi para magsiklab ng inspirasyon at hikayatin ang mas marami pang tao na maging parte ng pagtulong,” pahayag ni Kalihim Sonny Angara.

Kinilala rin ng DepEd ang dalawang empleyado mula sa Central Office na magreretiro ngayong buwan. Si Gng. Agnes James, Administrative Assistant II mula sa Tanggapan ng Kalihim, ay magreretiro na matapos ang 44 na taon ng paglilingkod. Samantala, si Gng. Marietta Luisa Subido, Administrative Officer II mula sa Employee Account Management Division, ay magtatapos ng 9 na taon ng tapat na serbisyo sa pamahalaan.

Lubos na nagpapasalamat ang DepEd sa dalawa sa kanilang mahahalagang ambag sa pampublikong edukasyon.

END