![]() |
LUNGSOD NG PASAY, 16 Setyembre 2025 — Iminumungkahi ng Department of Education (DepEd) ang ₱928.52 bilyon na budget para sa 2026 sa Senado. Nakatuon ang pondo upang tugunan ang siksikan sa mga silid-aralan, malnutrisyon ng mga bata, at kakulangan ng kagamitan ng milyun-milyong mag-aaral at guro sa buong bansa.
Ang halagang ito, na katumbas ng makasaysayang 4% ng GDP ng bansa, ay nakaayon upang resolbahin ang mga kagyat na pangangailangan habang namumuhunan din sa pangmatagalang reporma sa edukasyon.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, bawat piso ay nakalaan upang maramdaman ng mga guro at mag-aaral. “Malaki pa ang hamon na kinakaharap natin sa sektor ng edukasyon, ngunit malinaw ang direksyon — bawat pondo ay para sa mga guro at mag-aaral. Mahalaga ang suporta ng ating Pangulo at mga mambabatas upang matugunan ang agarang pangangailangan habang hinuhubog ang matibay na pundasyon ng edukasyon,” ani Angara.
Ano ang ibig sabihin nito para sa mga pamilyang Pilipino:
• Mas Maraming Silid-Aralan: ₱13.2 bilyon ang ilalaan para makapagtayo ng halos 4,900 bagong classrooms sa 2026. Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa pribadong sektor at LGUs, target ng DepEd na makapagdagdag ng hanggang 40,000 silid-aralan pagsapit ng 2028.
• Mas Maayos na Nutrisyon para sa mga Mag-aaral: ₱11.8 bilyon ang pondong itatalaga para ipagpatuloy ang School-Based Feeding Program, upang masigurong may sapat na pagkain ang lahat ng Kinder at mga batang kulang sa nutrisyon mula Grades 1–6.
• Digital na Kagamitan para sa mga Guro: ₱16 bilyon ang nakalaan para sa pagbili ng laptop ng mga guro at pagkonekta sa mga eskuwelang wala pang internet. Layunin nitong bigyan ng kasangkapan ang mga guro ngayon, habang inihahanda rin ang sistema para sa mas malawak na digital na pagbabago.
• Karera at Kabuhayan ng mga Guro: Isang makasaysayang ₱6 bilyon ang nakalaan para sa career progression ng mga guro, na inaasahang makakatulong sa promosyon ng 113,000 guro at school heads. Isa itong tuwirang puhunan sa kanilang kabuhayan at pamilya.
Upang masiguro na ang mga pangakong ito ay maisasakatuparan, gagamit ang DepEd ng buwanang public dashboards at open government platforms. Makikita ng publiko at mambabatas kung ilang classrooms ang naitayo, ilang pagkain ang naipamahagi, at ilang digital tools ang naihatid—para sa higit na transparency at accountability.
“Ang edukasyon ay hindi natatapos sa isang taon o isang budget cycle. Ito ay pangmatagalang laban na nangangailangan ng matibay na suporta ng pamahalaan, ng pribadong sektor, at ng bawat Pilipino,” dagdag pa ni Angara.
Nagpasalamat din si Sec. Angara sa Senado sa patuloy na suporta at nagpahayag ng tiwala na makakahanap ang Kongreso ng fiscal space para sa mga programang kritikal sa edukasyon.


