LUNGSOD NG MAKATI, 22 Setyembre 2025 – Itinatampok ng Department of Education (DepEd), sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang kalusugan, kaligtasan, at inklusibong pagkatuto bilang pangunahing prayoridad ng panukalang budget nito para sa 2026, kasabay ng pagpapakita ng mga nagawa at mga programang nais pang maisakatuparan sa pamamagitan ng karagdagang pondo.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, ang direksyon ng budget ay nagpapakita ng balanse sa pagitan ng pananagutan at malasakit, upang matiyak na ang pondo ng gobyerno ay mauuwi sa malinaw at nasusukat na benepisyo para sa mga mag-aaral.

“Sa edukasyon, hindi lang mahalaga kung ano ang natutunan ng mga bata, kundi kung gaano sila kaligtas, kalusog, at suportado habang sila ay natututo. Ang bawat pisong ginagastos ng gobyerno ay dapat maramdaman sa bawat silid-aralan, sa bawat kusina, at sa bawat klinika ng ating mga paaralan,” ani Angara.

Para sa School Year 2024-2025, iniulat ng DepEd ang mga natamong tagumpay sa early childhood care at learner protection. Mahigit 2.2 milyong mag-aaral ang nakinabang sa School-Based Feeding Program (SBFP), habang pinalakas din ang pagpapatupad ng Anti-Bullying Law at mga programang nagtataguyod ng karapatan at proteksyon ng mga bata. Patuloy ding tinutugunan ng ahensya ang kakulangan sa imprastruktura at konektibidad sa mga pampublikong paaralan.

Samantala, nakapaloob sa panukalang 2026 budget ang paglikha ng 10,000 School Counselor Associate I positions upang mas mapalakas ang mental health at psychosocial support para sa mga mag-aaral—isang hakbang na nakikitang makabuluhang tugon sa isa sa pinakamabibigat na hamon ng kabataan ngayon.

Kasabay nito, isinusulong din ng DepEd ang ilang mungkahi para sa karagdagang pondo o “wishlist” upang mapalawak ang mga programang pangkalusugan at disaster response sa mga paaralan. Kabilang dito ang pambansang coverage ng SBFP para sa mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3, pagpapatuloy ng suporta sa mga severely wasted at wasted learners mula Grade 4 hanggang 6 at adolescent mothers, pagtatayo ng halos 1,600 central kitchens at mahigit 2,400 mobile kitchens sa buong bansa, pagbibigay ng dental chairs sa humigit-kumulang 1,900 central elementary schools, paglalaan ng medical at dental supplies sa halos 2,600 school clinics, at pagtatatag ng mga pansamantalang learning spaces para sa mga komunidad na apektado ng kalamidad.

Dagdag ni Angara, nakaugat ang lahat ng mungkahing ito sa responsableng pamamahala ng pondo.

“Kung hihingi tayo ng dagdag na pondo, dapat malinaw kung paano ito gagamitin at ano ang magiging resulta para sa ating mga mag-aaral,” aniya.