LUNGSOD NG MAKATI, 23 September 2025 — Nag-ulat ang Department of Education (DepEd) ng malaking pag-usad sa paggamit ng artificial intelligence (AI) para sa transparency, mas maayos na alokasyon ng yaman, at pagpili ng mga pinuno ng paaralan—kasabay ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang integridad at inobasyon sa pamahalaan.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, malinaw na ipinapakita ng midyear report ng Education Center for AI Research (ECAIR) na tinutugma ng DepEd ang teknolohiya sa pananagutan. “Hindi lamang ito tungkol sa teknolohiya, kundi sa pagtutuwid ng ating sistema. Kapag malinaw ang datos, mabilis ang tugon, at patas ang alokasyon, mas tumitibay ang tiwala ng mga guro, magulang, at mag-aaral sa DepEd,” ani Angara.

Binigyang-diin ng kagawaran na ang mga reporma ay nakatuon sa pagtatatag ng pangmatagalang kultura ng inobasyong nakabatay sa datos, upang manatiling integridad ang nasa sentro ng modernisasyon ng edukasyon.

Kabilang dito ang Project TALINO, isang digital mapping system na nagbibigay ng real-time na kabuuang larawan ng pangangailangan ng mga paaralan sa buong bansa. Sa pamamagitan ng platform na ito, natutukoy ng DepEd at mga katuwang nito ang kakulangan sa silid-aralan, elektripikasyon, at iba pang pasilidad, at nabibigyang-priyoridad ang mga lugar na malalayo at kulang ang serbisyo. Ayon sa ulat, natapos na ang Phase I ng proyekto at na-turnover na ito sa Adopt-A-School Secretariat. Mayroon din itong integrated pledge automation tool na inaangkop na sa polisiya ng DepEd para mas mapadali ang partisipasyon ng pribadong sektor.

Isa pang tampok, ang Project DUNONG, ay awtomatikong nagpoproseso ng National Qualifying Examination for School Heads (NQESH). Sa paggamit ng dual scoring methods, bumaba ang gastos sa outsourcing, bumilis ang paglabas ng resulta, at tumaas ang antas ng katumpakan. Higit pa rito, nagbibigay ang data dashboards nito ng malinaw na larawan sa mga kakulangan ng mga aplikanteng principal, na nagsisilbing batayan ng National Educators Academy of the Philippines (NEAP) para sa mas angkop na pagsasanay. Nabatid din na na-turnover na ang sistema sa Bureau of Human Resource and Organizational Development, upang makatulong sa pagpuno sa higit 24,000 bakanteng posisyon sa pamunuan ng mga paaralan sa buong bansa.

Samantala, nagpakilala rin ang DepEd ng Project SALIKSEEK, isang GenAI-powered quick response tool para sa mabilisang pagkuha ng datos pang-edukasyon. Sa pamamagitan nito, kayang makakuha ng validated at structured data ang mga tauhan ng DepEd kahit walang technical training—mula sa ilang araw o linggong paghihintay, ngayon ay ilang segundo na lamang. Na-turnover ngayong taon sa Planning Service at ICTS, pinatitibay nito ang kapasidad ng DepEd para sa mas mahusay na evidence-based planning at mabilis na paggawa ng desisyon.

Sa ikalawang hati ng 2025, nakatakda ring ipilot ang Project SIGLA, isang AI tool para sa growth screening na layong matukoy ang mga batang bansot o kulang sa timbang. Sisikapin nitong mapagaan ang administrative burden ng mga guro at magbigay ng mas maagap na tugon sa malnutrisyon. Kasabay nito, isusulong ang Project SABAY, na gumagamit ng AI para i-screen ang mga mag-aaral na may dyslexia at speech sound disorders, upang mas maagang matukoy at masuportahan ang mga batang may learning difficulties.

Nakahanda ring ilunsad ang Project LIGTAS, isang multi-hazard analytics platform na tutulong sa DepEd na masubaybayan at masuri ang kahandaan ng mga paaralan laban sa sakuna. Nakabuo na ng prototype geospatial dashboard na nakatakdang i-turnover sa Disaster Risk Reduction and Management Service bago matapos ang taon.

Ayon sa ulat, ipagpapatuloy ang pagpapalawak ng mga proyektong ito hanggang 2026, saklaw ang mas maraming rehiyon, datasets, at programang pangsanay para sa mga guro at mag-aaral, bilang bahagi ng mas malalim na pag-ugat ng kultura ng inobasyon at integridad sa edukasyon.