LUNGSOD NG QUEZON, 24 Setyembre 2025 — Nagpasalamat ang Department of Education (DepEd) sa House of Representatives matapos aprubahan ang karagdagang pondo para sa mga pangunahing programa ng ahensya na nakahanay sa agenda sa edukasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa naganap na plenary deliberations ng 2026 national budget nitong Miyerkules.

Sa pamumuno ni Speaker Bojie Dy III at ng Budget Amendments Review Sub-Committee ng Committee on Appropriations na pinangungunahan ni Rep. Mikaela Suansing, tinugunan ng Mababang Kapulungan ang budget wishlist ng DepEd at inaprubahan ang ilang mahahalagang amyenda na magpapalakas sa kakayahan ng ahensya na maisakatuparan ang direktiba ni PBBM na magbigay ng ligtas, dekalidad, at inklusibong edukasyon.

“Pasalamat tayo sa Kongreso na dinagdagan nila ang budget para sa edukasyon.  Malaking bagay ‘yung dagdag na classrooms, upuan, at feeding program para mas gumaan ang sitwasyon sa mga paaralan. Pero ang pinakamahalaga, maipatupad agad nang maayos para makahabol tayo sa mga naantalang proyekto at maramdaman agad ang resulta ng mga mag-aaral at guro,” ani Education Secretary Sonny Angara.

Isinulong ng mga mambabatas ang dagdag na pondo para sa pagbawas ng backlog sa classrooms at paglalaan ng kinakailangang pasilidad at furniture para sa mga paaralan.

Isa sa pinakamalaking amyenda ay ang dagdag na ₱22.5 bilyon para sa Basic Education Facilities upang pabilisin ang pagpapatayo, pagkumpleto, at rehabilitasyon ng mga silid-aralan, pati na rin ang pagbili ng mga upuan at iba pang gamit sa paaralan.

Suportado rin ng Kamara ang pagpapalawak ng pagpapatupad ng classroom construction ng DepEd, kabilang ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at maging sa public-private partnerships upang matiyak ang maagap na paghatid ng mga silid-aralan at kagamitan.

Kasama rin sa mga naaprubahan ang buong ₱306 milyon para sa Flexible Learning Program at Alternative Learning System, ₱193 milyon sa Special Needs Education Program, ₱79.6 milyon para sa Indigenous Peoples Education (IPED) Program, at ₱26.25 milyon para sa Madrasah Education Program. Pinatutunayan nito ang malasakit ng pamahalaan sa pagiging inklusibo at pagbibigay ng edukasyon sa iba’t ibang konteksto.

Nabigyan din ng suporta ang ARAL Program, ang learning recovery strategy ng DepEd, kung saan inaprubahan ang ₱579.5 milyon para sa overload pay ng mga guro ng DepEd at ₱984 milyon para sa kompensasyon ng mga non-DepEd tutors. Malaking tulong ito upang mapalawak ang serbisyong tutorial para sa mga mag-aaral na nahihirapan sa pag-aaral.

Samantala, nakatanggap ng karagdagang ₱1.88 bilyon ang School-Based Feeding Program (SBFP), bukod pa sa ₱11.8 bilyon na nasa NEP. Tinitiyak nito na milyon-milyong mag-aaral ang patuloy na makakatanggap ng masustansyang pagkain sa paaralan—isang mahalagang salik para mapabuti ang kanilang pagkatuto at kalusugan.

Pinuri ni Angara ang maagap na aksyon ng Kongreso at tiniyak na makikipagtulungan ang DepEd sa Kongreso, DPWH, LGUs, at iba pang katuwang upang masigurong maayos at walang delay ang pagpapatupad ng mga pondong ito.

END