LUNGSOD NG PARAÑAQUE, 29 Setyembre 2025 — Alinsunod sa transparency agenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., inilunsad ng Department of Education (DepEd) ngayong Lunes ang Project Bukas na magbubukas ng datos sa edukasyon para sa publiko upang isulong ang transparency, accountability, at mas matibay na pagtutulungan tungo sa mas magagandang resulta sa pagkatuto.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, mahalagang sandata ang Project Bukas upang matiyak na ang makasaysayang pondo para sa edukasyon ay maayos na nagagamit para sa kapakinabangan ng mga batang Pilipino.

“Gusto natin sa panig ng DepEd, dapat transparent, pinapakita natin saan ginagastos ang pera ng taumbayan. First time sa kasaysayan ng DepEd na ibibigay sa publiko ang lahat ng datos. Kung anong alam namin sa Central Office, sa regional office, yun din ang malalaman ng publiko,” ani Angara sa launch ng programa sa Paranaque High School.

Ayon kay Angara, ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng DepEd na maglalabas ng school-level at division-level datasets para sa publiko. Sa unang yugto ngayong Setyembre, maglalabas ng datos sa antas ng paaralan ang Regions I, III, VIII, IX, at CAR, habang ang iba pang rehiyon ay parehong maglalabas ng datos sa antas ng paaralan at dibisyon.

Saklaw ng mga dataset ang resulta ng mga pagsusulit gaya ng Early Language, Literacy, and Numeracy Assessment, National Achievement Test para sa Grade 6, at Comprehensive Rapid Literacy Assessment, gayundin ang impormasyon ukol sa enrollment, bilang ng mga paaralan, access sa kuryente at tubig, WASH facilities, imbentaryo ng paaralan, paggamit ng MOOE, at school ratios.

Binigyang-diin din ni Angara na ang transparency portal ay makakatulong upang higit pang mapalakas ang mga pangunahing programa sa edukasyon gaya ng National Learning Recovery Program o ARAL, School-Based Feeding Program, at Adopt-A-School, sa pamamagitan ng aktibong pakikipagtulungan sa iba’t ibang stakeholders.

“Pero hindi ito kakayanin ng DepEd lamang. Kailangan natin ang LGUs, NGOs, private sector, at lahat ng partners upang mas mapabuti ang mga programa para sa ating mga bata. Sana sama-sama tayo rito,” dagdag ni Angara.

Dumalo rin sa paglulunsad si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na nagsabing malinaw na pinatutunayan ng inisyatibang ito ang pagtutok ng administrasyon sa mabuting pamamahala. Ayon sa kanya, may nakalaang budget na P928.5 bilyon para sa DepEd at attached agencies nito para sa Fiscal Year 2026, na maaaring katumbas ng 4.1 porsiyento ng GDP ng bansa depende sa magiging resulta ng deliberasyon sa Kamara.

“Our gathering today symbolizes that we are moving forward with a renewed and even stronger determination towards a Bagong Pilipinas that is accountable, inclusive, and responsive to the needs of Filipinos. Maging bukas tayo para sa kinabukasan ng ating kabataan dahil bawat bukas ay mahalaga,” ani Pangandaman.

Sa pamamagitan ng Project Bukas, layunin ng DepEd na maitaguyod ang kultura ng shared responsibility sa edukasyon, kung saan ang mga komunidad, lokal na pamahalaan, at development partners ay makakatuwang ng pambansang pamahalaan upang matiyak na umaabot ang mga programa sa bawat mag-aaral na nangangailangan.

END