LUNGSOD NG MAYNILA, 30 Setyembre 2025 — Sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa 1st Council Meeting ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) para sa 20th Congress, nanawagan ang Department of Education (DepEd) sa Kongreso na bigyang-prayoridad ang mahahalagang amendments sa mga batas pang-edukasyon, kabilang ang school-based feeding at Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) program.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, ang pagkakasama ng mga prayoridad ng DepEd sa listahan ng Executive sa LEDAC ay nagpapakita ng kahalagahan at kagyat na pangangailangan ng mga repormang direktang tumutugon sa access, equity, at accountability sa mga programang pang-edukasyon.

“Sa Bagong Pilipinas, dapat tiyakin natin ang ating mag-aaral ay may sapat na nutrisyon, kalidad na guro, ligtas na paaralan, at pantay na oportunidad—mapa-publiko o pribado man sila nag-aaral. Ang mga panukalang ito ay konkretong hakbang upang hindi maiwan ang kahit isang mag-aaral,” ani Angara.

Kabilang sa mga prayoridad na panukalang batas na inendorso sa Kongreso ang:

1. Amendments sa Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act (RA 11037): Pagpapalawak ng School-Based Feeding Program hanggang 160 feeding days at universal feeding para sa Kindergarten hanggang Grade 3; pagsama ng marginalized groups tulad ng indigenous learners at adolescent mothers; pagpapahintulot sa milk-based substitutes para sa Milk Feeding Program; lingguhang micronutrient supplementation para sa mga babaeng mag-aaral; at pagtatayo ng Central Kitchens sa bawat School Division Office, at iba pa.

2. Amendments sa E-GASTPE Act (RA 8545): Pag-institutionalize ng anti-fraud mechanisms gaya ng centralized verification, audits, whistleblower protection, at data-sharing sa ibang ahensya; pagpapalawak ng voucher coverage mula Kindergarten hanggang Senior High School learners at teachers, at iba pa.

3. Amendments sa Teacher Professionalization Act (RA 7836): Enhanced scope ng licensure examinations, diversification ng Board for Professional Teachers, at pagbibigay ng flexibility para sa mga non-licensed teachers/experts para makapagturo provisionally, at iba pa.

4. Amendments sa Local Government Code – Special Education Fund (SEF): Pagtaas ng SEF levy mula 1% tungo sa 2% ng assessed property value; pagpapalawak ng allowable uses upang masaklaw ang operasyon ng special education, IP at madrasah classes, open high schools, flexible learning, school site acquisition, at school building maintenance, at iba pa.

Ipinahayag din ng DepEd ang suporta nito sa Classroom Building Acceleration Bill upang mapabilis ang pagtatayo ng mga silid-aralan sa buong bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng flexibility at pag-engganyo ng mas maraming katuwang sa implementasyon.

Binigyang-diin ni Angara na mahalaga ang pagpapalakas ng mga programang ito upang makapaghatid ng mas magagandang learning outcomes at mabigyan ng patas na pagkakataon ang bawat batang Pilipino na magtagumpay.

Dagdag pa ng DepEd, magiging kritikal ang pakikipagtulungan sa Kongreso, mga lokal na pamahalaan, at development partners upang matiyak na ganap na maisasakatuparan ang mga repormang ito kapag naisabatas.

END