![]() |
LUNGSOD NG PASAY, 6 Oktubre 2025 — Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ng Department of Education (DepEd) ang pagtatapos ng National Teachers’ Month at World Teachers’ Day celebration ngayong taon sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga programa at benepisyo para sa pagpapalakas ng kapakanan, pagsasanay, at propesyonal na paglago ng mga guro—bilang patunay ng matibay na suporta ng pamahalaan sa mga nasa unahan ng pagbawi ng edukasyon.
“You [teachers] are the guiding hands, and in your hands are our nation’s progress. In your strength, in your wisdom and in your courage, we find assurance that our future is secured. For this National Teachers’ Day, we offer our respect, our deepest gratitude for shaping minds, touching hearts and in your way, building a nation that we can be proud of, one student at a time,” ani President Marcos.
Sa National Teachers’ Day Culminating Program, nakisama si Pangulong Marcos, Jr. kasama sina Education Secretary Sonny Angara, National Teachers Month Coordinating Council (NTMCC) Chair Aniceto Sobrepeña ng Metrobank Foundation, mga opisyal ng DepEd, mambabatas, at mga katuwang sa edukasyon upang kilalanin ang mahalagang papel ng mga guro sa nation-building.
“Patuloy na nagbibigay ang DepEd ng prayoridad sa inyong kapakanan—mula sa career progression, dagdag benepisyo tulad ng teaching, medical, overtime at overload pay, hanggang sa pagbawas ng admin tasks. Lagi kayong kaagapay ng Kagawaran. Ngunit gaya ng paalala ni Pangulong Marcos, dapat maramdaman ang tulong sa bawat silid-aralan, sa bawat guro, sa bawat bata,” ani Angara.
Ilan sa mga repormang binigyang-diin ni PBBM at DepEd ang pagbabawas ng mga school forms na kailangang tapusin ng mga guro at ang paglikha ng 60,000 bagong teaching positions sa ilalim ng panukalang pambansang badyet para sa 2026.
Sa ilalim ng administrasyo ni PBBM, nakatanggap na ng mas mataas na allowance at benepisyo ang mga guro, kabilang ang ₱10,000 teaching allowance sa ilalim ng Kabalikat sa Pagtuturo Act, medical allowance na hanggang ₱7,000 para sa mga kwalipikadong personnel, at Special Hardship Allowance para sa mga guro na naka-assign sa mahihirap na lugar. Makakatanggap din ang mga guro ng pampublikong paaralan ng taunang World Teachers’ Day Incentive Benefit na ₱1,000.
Samantala, ang mga guro sa pribadong paaralan ay nakatanggap ng ₱6,000 dagdag sa taunang salary subsidy sa ilalim ng Teachers’ Salary Subsidy (TSS) ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) program.
Kabilang sa iba pang hakbang ang pagpapalabas ng 2023 performance-based bonus, pagpapalawak ng vacation service credits mula 15 hanggang 30 araw, at pagpapatupad ng mas malinaw na career progression system na magbibigay ng karagdagang teaching at administrative positions upang matugunan ang matagal nang hinaing ng mga guro sa promosyon.
Pinalalakas din ng administrasyon ang propesyon ng pagtuturo sa pamamagitan ng paglulunsad ng Teacher Education Roadmap 2025–2035 at ng Education Center for AI Research (E-CAIR) na tutulong sa mga guro na makaangkop sa mga makabagong teknolohiya. Ayon sa DepEd, katuwang din ito ng programa ng kagawaran na i-digitalize ang mga silid-aralan, na susuportahan ng mas mataas na pondo para sa laptop at connectivity sa susunod na taon.
Binigyang-diin din ni Sec. Angara ang katatagan ng mga guro na patuloy na naglilingkod sa kabila ng sunod-sunod na kalamidad, kabilang ang 6.9-magnitude na lindol sa Cebu at mga bagyong tumama sa Hilagang Luzon at Bicol. Aniya, pinapabilis ng DepEd ang paghahatid ng pansamantalang learning spaces, modular learning materials, at psychosocial support para sa mga guro at mag-aaral na apektado.
“Ang ating mga guro ang palaging nauuna sa bawat krisis upang matiyak na hindi mapuputol ang pag-aaral ng mga bata. Kaya’t ang mga hakbang sa pagbawi ay nakaugnay din sa pagtulong at pagsuporta sa ating mga guro,” dagdag ni Angara.
Dinaluhan ng humigit-kumulang 12,500 guro mula sa Luzon at Metro Manila ang culminating event, na tampok din ang pagpapakilala ng PhilPost commemorative stamp, pagkilala sa mga pambansang awardees mula sa TESDA, Metrobank Foundation, at iba pang katuwang, gayundin ang variety show at raffle draws bilang handog sa kontribusyon ng mga guro.
END


