![]() |
LUNGSOD NG MAKATI, 9 Oktubre 2025 — Kasunod ng 6.9-magnitude na lindol na yumanig sa Bogo City, Cebu, pinaiting ng Department of Education (DepEd) ang mga hakbang nito para sa kahandaan at mabilis na pagtugon sa sakuna sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga rapid assessment team at paglulunsad ng mga bagong kasangkapan at pasilidad na layong palakasin ang katatagan ng edukasyon.
“Sa utos na rin ni Pangulong Bongbong Marcos, ang pokus natin ay kahandaan. Kailangan nating masiguro na handang tumugon ang ating mga paaralan upang maprotektahan ang mga mag-aaral at maipagpatuloy ang edukasyon bago, habang, at matapos ang anumang sakuna,” pahayag ni Education Secretary Sonny Angara.
Ayon kay DepEd Region VII Director Salustiano Jimenez, tinatayang aabot sa mahigit ₱1 bilyon ang pinsalang idinulot ng lindol sa mga paaralan sa buong Cebu. Umabot na rin sa higit 50,000 mag-aaral at mahigit 1,400 guro at kawani ang naapektuhan, kabilang ang halos 900 sa Bogo City.
Habang nagpapatuloy ang mga disaster response operation, inihahanda na rin ng DepEd ang mas pangmatagalang mga hakbangin para sa kahandaan sa sakuna. Isa sa mga pangunahing programa nito ang PlanSmart for Safe Schools, isang web-based contingency planning application na binuo sa tulong ng Department of Science and Technology–Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST–Phivolcs) at ng World Bank.
Pinagsasama ng platform ang hazard at risk data mula sa GeoRiskPH system upang makagawa ang mga paaralan ng contingency plans na nakabatay sa datos at nakaayon sa pamantayan ng Office of Civil Defense (OCD) at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Magsisimula ang serye ng mga pagsasanay para sa proyekto sa Nobyembre 2025 para sa 3,012 paaralan sa Greater Metro Manila area, bago ito ipatupad sa buong bansa upang palakasin ang kakayahan ng mga school head at DRRM coordinator.
Ipi-pilot din ng DepEd ang M7X School Ready Program, na layong palakasin ang kahandaan ng mga pampublikong paaralan at tanggapan ng DepEd laban sa lindol. Bilang tugon sa banta ng isang 7.2-magnitude na lindol sa kahabaan ng West Valley Fault (WVF), magpapatupad ang programa ng isang certification system na magbibigay ng M7.2 Ready School Seal sa mga paaralang makakatugon sa checklist ng structural at non-structural preparedness. Sa unang yugto ng programa, bibigyang-priyoridad ang mga paaralan sa Metro Manila, Region III, at Region IV-A na matatagpuan sa o malapit sa WVF.
Ipinakilala rin ng DepEd ang Pillar 1: Safer Learning Facilities Guidebook, isang gabay na tumatalakay sa ligtas na disenyo, maayos na pagpili ng lokasyon, at wastong maintenance ng mga pasilidad. Ang guidebook, na binuo kasama ang UNICEF at Good Neighbors International Philippines, ay alinsunod sa Comprehensive School Safety (CSS) Framework at sa Sendai Framework for Disaster Risk Reduction. Layunin nitong gabayan ang mga paaralan sa pagpapatupad ng mga inklusibo, climate-resilient, at child-safe na pamantayan sa konstruksyon.
Upang matiyak ang tuloy-tuloy na pag-aaral sa mga lugar na apektado ng sakuna, ipinakilala rin ng DepEd ang Upgraded Temporary Learning Spaces (UTLS) — mga mas pinahusay na modular classroom na magsisilbing pansamantalang silid-aralan habang inaayos o itinatayo muli ang mga permanenteng gusali ng paaralan.
Inilunsad ang mga inisyatibang ito sa National DRRM x CCA Summit 2025 na ginanap sa Makati City nitong Oktubre, na may temang “EduResilience 2025: Strengthening Learning Continuity and Climate Resilience in Basic Education.”
“Ang kahandaan ang pundasyon ng katatagan. Kapag may sapat tayong kagamitan, pagsasanay, at pasilidad sa ating mga paaralan, masisiguro nating magpapatuloy ang pag-aaral kahit sa gitna ng kalamidad,” dagdag ni Angara.
END


