![]() |
LUNGSOD NG MANDALUYONG, 10 October 2025 – Pinangunahan ng Department of Education (DepEd) ang isang Classroom Market Scoping Activity para sa mga katuwang nito sa ilalim ng Adopt-a-School Program at mga kinatawan mula sa pribadong sektor upang makahikayat ng mas marami pang katuwang sa pagtugon sa kakulangan ng mga silid-aralan sa bansa sa pamamagitan ng bukas, maayos, at batay sa pamantayang pakikipagtulungan.
“Unang-una, prayoridad natin ang masiguro na maayos at matibay ang mga maipapatayo nating silid-aralan sa tulong ng ating partners. Nais din ng ating mahal na Pangulo, President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., na mataas ang kalidad ng ating mga pasilidad sa mga susunod na taon,” ani Education Secretary Sonny Angara.
Ipinresenta sa aktibidad ang mga pinakabagong disenyo at teknikal na espesipikasyon ng DepEd para sa mga silid-aralan, kabilang ang mga Integrated Learning Resource Centers (ILRCs) at WASH facilities. Ibinahagi rin dito ang mga update hinggil sa procurement modalities, partikular ang Negotiated Procurement at ang Adopt-A-School Program (ASP), upang maiayon ng mga katuwang ang kanilang mga proyekto sa mga pamantayan ng DepEd.
Ang aktibidad ay karugtong ng iba pang market scoping sessions ng DepEd para sa mga Temporary Learning Spaces (TLS), Supplementary Learning Resources (SLRs), at education technology solutions, na layuning masukat ang availability, cost-efficiency, at feasibility ng mga kailangan sa paghahatid ng edukasyon.
Higit pa rito, nagsilbi rin itong talakayan sa pagitan ng DepEd at mga katuwang upang mapag-usapan ang mga modelo ng pagpopondo, implementing strategies, at mga posibleng paraan ng pakikipag-ugnayan sa ilalim ng Adopt-A-School framework.
“Isa pong goal ng Market Scoping ay transparency. We’re calling everyone in—we are presenting what we need, and we are making it known to our partners what our children need for their classrooms,” ani Undersecretary for Procurement and Finance Oversight Rowena Candice Ruiz.
Sa pamamagitan ng pagbubukas ng kanilang procurement pipeline at mga plano sa disenyo, layunin ng DepEd na mapalapit ang impormasyon sa pagitan ng kagawaran at ng mga potensyal na katuwang upang mas madali nilang matukoy kung saan sila makatutulong at mapabilis ang pagpapatayo ng mga silid-aralan sa buong bansa.
“This activity affirms the Department’s commitment to providing conducive learning spaces while upholding accountability and transparency, values that align with the priorities of this administration. This is why we are opening our doors, so you can clearly see how you can support the Department, our learners, our teachers, and our schools,” dagdag pa ni Usec. Ruiz.
Dumalo sa naturang aktibidad ang mga kinatawan mula sa Aboitiz, Angat Buhay, the Asian Development Bank, Ayala Foundation, Inc., China Bank Savings, City Savings Bank, Inc., the Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII), Generation Hope, Globe, the Gokongwei Brothers Foundation, Hawkstow Construction and Development, Hybrid Solutions Asia, Jollibee Foods Corporation, EM Cuerpo, Inc. Construction, Net Solar, One Meralco Foundation, Republic Biscuit Corporation, Security Bank Foundation, and the Yellow Boat of Hope Foundation, bukod sa iba pa.
Ginanap ang aktibidad sa Senate President Neptali Gonzales Integrated School sa Mandaluyong City, na nagsilbing isa na namang hakbang ng DepEd sa pagpapalakas ng ugnayan sa pribadong sektor tungo sa iisang layunin na maibigay ang de-kalidad na edukasyon para sa bawat batang Pilipino.
Inihayag din ng DepEd na magkakaroon ng Classroom Summit sa Nobyembre 2025 sa Clark, Pampanga, kung saan muling iimbitahan ang mga katuwang upang pagtibayin ang mga modelong nabuo at ang mga kasunduang nabuo sa pamamagitan ng market scoping process.
END


