![]() |
DAVAO ORIENTAL, 11 Oktubre 2025 – Sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agad maghatid ng tulong sa Davao Oriental, nagtungo ang ilang opisyal ng national government, kasama si Education Secretary Sonny Angara, upang personal na tingnan ang pinsala ng 7.6 magnitude na lindol at pangunahan ang mabilisang pagtugon para sa mga apektadong paaralan at komunidad.
Ayon kay Angara, inaagahan at pinabibilis na ng DepEd ang pagpapalabas ng Quick Response Funds (QRF)—isang proseso na dati’y umaabot ng halos dalawang taon—upang mas mapabilis ang paghatid ng tulong sa mga paaralang tinamaan ng mga kalamidad sa Masbate, Cebu, at pinakahuli sa Davao Oriental.
Sa kasalukuyan, ₱139.4 milyon ang naipamahaging tulong para sa mga paaralang nasalanta ng bagyo sa Masbate, habang nagpapatuloy ang beripikasyon at rapid damage assessment sa Cebu at Davao Oriental.
“Hindi na puwedeng maghintay pa ng dalawang taon bago dumating ang tulong,” ani Angara. “Kapag nasira ang paaralan, dapat mabilis ang aksyon—dahil bawat araw na nasasayang ay isang araw na hindi nakakapag-aral ang mga bata.”
Batay sa ulat ng DepEd noong alas-9 ng umaga, Oktubre 11, nasa 1,006 paaralan ang naapektuhan ng magnitude 7.4 na lindol na tumama sa karagatan malapit sa Manay, Davao Oriental nitong Biyernes, na nakaapekto sa humigit-kumulang 100,000 mag-aaral at 10,000 guro sa iba’t ibang rehiyon. Kabilang dito, 139 na mag-aaral at 50 guro ang naiulat na nasugatan. Bilang pag-iingat, 97% ng mga apektadong paaralan ay pansamantalang nagsuspinde ng klase upang masuri ang kaligtasan ng mga gusali.
Batay sa inisyal na visual assessment, 575 paaralan ang nagtamo ng pinsala na tinatayang aabot sa ₱2.23 bilyon ang halaga ng pagkukumpuni. Patuloy ang DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS), mga inhinyero, at DRR coordinators sa mabilisang inspeksyon at beripikasyon, katuwang ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga lokal na pamahalaan.
Binigyang-diin ni Angara ang pangangailangang palakasin pa ang kapasidad ng mga inhinyero ng DepEd upang mas mapabilis ang pagtugon sa mga kalamidad.
“Mayroon tayong 472 engineers sa buong bansa, at kailangan pa nating palawakin ang bilang at kakayahan nila,” dagdag ni Angara. “Kasama ang DPWH at mga lokal na pamahalaan, gusto nating bumuo ng isang mas mabilis, mas matatag, at mas maaasahang sistema ng pagtugon.”
Muling tiniyak ng Kalihim na pangunahing layunin ng DepEd ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro at ang pagpapatuloy ng edukasyon kahit sa panahon ng sakuna.
“Simple lang ang layunin natin,” ani Angara. “Kapag may kalamidad, dapat paparating na ang tulong.”
END


