LUNGSOD NG MAKATI, 14 Oktubre 2025 – Bilang tugon sa mga lindol na yumanig kamakailan sa Cebu at Davao Oriental, at alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., pinalalakas ng Department of Education (DepEd) ang koordinasyon nito sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) upang matiyak na ang mga desisyon hinggil sa suspensyon ng klase ay nakabatay sa siyentipikong datos, localized risk assessments, at safety standards.

Layunin ng pagtutulungang ito na mapanatili ang balanse sa pagitan ng pangangalaga sa kaligtasan ng mga mag-aaral at kawani, at ng layunin ng Kagawaran na ipagpatuloy ang edukasyon kahit sa panahon ng sakuna at emergency.

“Sa usapin ng kalamidad, bukod sa maagap, dapat eksakto rin ang kilos. Kaya mahalaga ang pakikipag-ugnayan sa PHIVOLCS para ang bawat desisyon, mula sa pagsuspinde ng klase hanggang sa pagpapatuloy ng pag-aaral, ay nakabatay sa siyensya, hindi sa pangamba,” ani Kalihim ng Edukasyon Sonny Angara.

“Nang makita ko mismo ang pinsala ng lindol sa Cebu at Davao Oriental, mas napatunayan nating mahalaga ang tamang datos at koordinasyon. Sa tulong ng PHIVOLCS, masisiguro nating ang bawat hakbang ng DepEd ay mabilis, ligtas, at may batayang siyentipiko,” dagdag pa ni Angara.

Upang mapalakas pa ang kahandaan sa sakuna, tinalakay ng DepEd at PHIVOLCS sa pangunguna ni DOST Secretary Renato Solidum Jr. ang pangangailangang tiyakin na ang mga paaralang matatagpuan malapit sa fault line ay “over-engineered” o higit sa pamantayang istruktural upang kayanin ang malalakas na lindol.

Ipinahayag din ng DepEd ang pangangailangan ng partnership sa PHIVOLCS para sa mga pagsasanay na magpapalakas sa kakayahan ng mga regional at field offices sa pagsusuri ng katatagan ng mga gusali at sa tamang pagtugon kapag may lindol. Inihain din ng DepEd ang mungkahing pagtatatag ng isang DepEd Command Center sa pakikipag-ugnayan sa PHIVOLCS na magsisilbing sentrong tagamasid para sa disaster response at maagang babala.

Maaari ring sanayin ang mga tauhan ng DepEd sa paggamit ng mga checklist-based procedures na awtomatikong magpapadala ng alerto kapag natukoy ang tiyak na kondisyon ng panganib—na magtitiyak ng mas mabilis at magkakaugnay na pagtugon sa oras ng emerhensiya.

Nagkasundo rin ang DepEd at PHIVOLCS na palakasin ang koordinasyon sa pagpapalabas ng mga siyentipikong advisory at information materials upang mapanatili ang tiwala ng publiko at maiwasan ang maling impormasyon sa panahon ng krisis.

Binigyang-diin naman ni Sec. Angara na ang kahandaan ay dapat laging may kaakibat ng learning continuity measures.

Sa ilalim ng DepEd Order No. 22, s. 2024 o ang Revised Guidelines on Class and Work Suspension in Schools During Disasters and Emergencies, nakasaad na ang kapangyarihang magsuspinde ng klase ay nasa Local Chief Executive (LCE), Schools Division Superintendent (SDS), at mga punong-guro. Binibigyang-diin ng DepEd na dapat nakabatay ang mga desisyong ito sa mga advisory ng PHIVOLCS, aktuwal na kalagayan sa lugar, at sa kahandaan ng paaralan na agad maipagpatuloy ang pag-aaral.

Kaugnay nito, binigyang-pansin din ng DepEd ang DepEd Order No. 21, s. 2015 na nag-aatas sa mga Regional Office na bantayan ang mga hakbang sa prevention, mitigation, at preparedness upang masiguro ang tuloy-tuloy na pagkatuto kahit apektado ng kalamidad ang mga paaralan.

Muling ipinaalala ng DepEd na ang mga preventive suspension ay dapat magsilbing hudyat upang agad maipatupad ang learning continuity plans tulad ng modular, online, o take-home learning habang isinasagawa ang mga safety inspection.

END