LUNGSOD NG MAYNILA, 16 Oktubre 2025 – PINARANGALAN ng Department of Education (DepEd) at UNICEF Philippines ang nasa 400 mag-aaral ng Alternative Learning System na matagumpay na nakatapos sa ilalim ng Micro Certification Program.

Ito ay bilang bahagi ng layunin ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na magbigay ng mas maraming oportunidad sa trabaho at kabuhayan para sa mga Pilipino.

Layunin ng inisyatibong ito na kilalanin ang mga life skills ng ALS learners sa pamamagitan ng micro-certification—isang sistema ng pagbibigay ng pagkilala sa mga kasanayang gaya ng komunikasyon, leadership, teamwork, at problem-solving. Sa pagbibigay ng pormal na sertipikasyon sa mga kasanayang ito, nais ng DepEd na palakasin ang mga landas tungo sa karagdagang pag-aaral, trabaho, at lifelong learning.

Pinuri ni Kalihim ng Edukasyon Sonny Angara ang mga tumanggap ng micro-certificates at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagdiriwang ng bawat hakbang ng pag-unlad.

“Sa ating mga micro-certification completers, kayo ang patunay na hindi kailangang mabilisan ang pag-abot sa mga pangarap. Maaaring dahan-dahan, paunti-unti, sa mga maliliit na tagumpay na bumubuo ng isang buhay na may direksyon at dangal. Sa ALS, hindi lang sa taas ng narating sinusukat ang tagumpay, kundi sa layo ng inyong nilakbay. At ngayong araw, bawat isa sa inyo ay nakarating sa tuktok na dapat ipagdiwang,” ani Angara.

Ang ALS Micro-Certification for Life Skills Program ay nakabatay sa Republic Act No. 11510 o ang Alternative Learning System Act at sa Philippine Qualifications Framework (PQF). Ginagamit nito ang isang 360° assessment na kinabibilangan ng sariling pagtataya ng mag-aaral, guro, at mga tagapagtasa mula sa komunidad upang masukat ang kanilang life skills.

Itinatampok ng programang ito ang patuloy na pagtutok ng DepEd sa inklusibo at patas na edukasyon, sa pamamagitan ng pagkilala sa iba’t ibang anyo ng pagkatuto ng mga out-of-school youth at adult learners. Sa tulong ng mga katuwang na institusyon gaya ng UNICEF, Department of Labor and Employment (DOLE), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at mga local government units, patuloy ang Bureau of Alternative Education (BAE) sa paghahabi ng koneksyon sa pagitan ng alternatibong edukasyon, trabaho, at partisipasyon sa komunidad.

Mula 2022 hanggang 2025, nagsagawa ang DepEd, UNICEF, Assessment, Curriculum and Technology Research Center (ACTRC), at University of Melbourne ng mga pag-aaral na nagpatunay sa bisa ng micro-certification bilang paraan ng pagsusuri sa life skills. Sa mga pilot implementation sa walong Schools Division Offices—Maynila, Aurora, Batangas, Iriga, Lapu-Lapu, Misamis Oriental, Davao City, at South Cotabato—nakapagbigay na ng 2,854 micro-certificates sa mga ALS learners.

Sa mga susunod na taon, nakatakdang palawakin ng DepEd ang mga kasangkapan sa certification, dalhin ito sa mas maraming dibisyon, at isama ang mga resulta sa pagpapahusay ng ALS programs.

“Bawat badge o sertipikasyon ay kuwento ng pag-unlad—mga maliliit na tagumpay na magbubukas ng mas malalaking oportunidad sa trabaho at kabuhayan,” dagdag ni Angara.

END