MASBATE CITY, 20 Oktubre 2025 — Mabilis na binabangon ng pamahalaan ang sektor ng edukasyon sa Masbate matapos ang pinsalang dulot ng Bagyong Opong, ayon kay Kalihim ng Edukasyon Sonny Angara, na personal na bumisita sa lalawigan nitong Lunes upang inspeksyunin ang mga pagsisikap ng Department of Education (DepEd) sa pagkukumpuni at rehabilitasyon ng mga paaralang naapektuhan ng kalamidad.

Sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking may agarang tulong para sa mga probinsiyang tinamaan ng sakuna, binisita ni Angara ang Masbate Comprehensive National High School at Nursery Elementary School—dalawa sa mga pinakamatinding naapektuhang paaralan—kung saan nakita niya mismo ang mabilis na pag-usad ng mga pagkukumpuni sa tulong ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng mga lokal na pamahalaan.

Sa Nursery Elementary School, natapos na nang buo o 100 porsyento ang mga minor repair gaya ng pagsasaayos ng bubong, kisame, at mga kable ng kuryente, habang nasa 40 hanggang 45 porsyento naman ang progreso ng iba pang gusali. Sa Masbate Comprehensive National High School, ang mga multi-story building at iba pang istruktura ay nasa pagitan ng 30 hanggang 90 porsyento ang pagkakakumpleto.

“Ang kabilin-bilin ni Pangulong Bongbong Marcos sa pagtulong sa mga naapektuhan ng kalamidad: hindi aalis ang tulong ng national government hangga’t hindi tuluyang nakakabangon ang ating mga kababayan,” ani Angara.

“Sa utos ng Pangulo, agad nating sinimulan ang pagkukumpuni ng mga paaralan dito sa Masbate,” dagdag pa niya. “Gusto nating matiyak na tuloy ang pag-aaral kahit tinamaan ng bagyo, at mas handa tayo sa mga darating pang sakuna.”

Batay sa datos ng DepEd, 1,651 silid-aralan—karamihan sa Masbate City—ang nasira dahil sa bagyo, na may tinatayang pinsalang umabot sa ₱1.079 bilyon. Nakapaglabas na ang ahensya ng ₱14.4 milyon sa Schools Division Offices ng Masbate at Masbate City para sa paglilinis at minor repair, at humiling pa ng ₱23.4 milyon bilang karagdagang pondo para sa nagpapatuloy na rehabilitasyon.

Naglaan din ang DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS) ng 20 upgraded temporary learning spaces sa ilalim ng emergency procurement upang may mapagdausan ng klase ang mga mag-aaral mula sa mga paaralang patuloy pang inaayos.

Inaasahan ng DepEd na matatapos ang karamihan sa mga major repair sa pagitan ng Disyembre 2025 at Pebrero 2026, habang ang pondo para sa pagpapalit ng mga tuluyang nasirang silid-aralan ay isasama sa Basic Education Facilities Fund (BEFF) 2026 at Quick Response Fund (QRF) 2026.

Mas maaga sa araw na iyon, sinamahan ni Angara sina Special Assistant to the President Antonio Lagdameo Jr., DSWD Secretary Rex Gatchalian, DOT Secretary Christina Garcia Frasco, at mga lokal na opisyal sa pagbisita sa outreach station storage facility sa Masbate City. Dito ay kanilang ininspeksyon ang nursery ng mga punla ng pili at kakaw, pinangunahan ang pamamahagi ng palay at buto ng mais sa mga magsasaka, at binisita ang livestock area bilang bahagi ng programang pangkabuhayan para sa mga komunidad na nasalanta ng bagyo.

Dumalo rin si Angara sa payout ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa 500 tourism workers sa Magallanes Coliseum, bilang pagpapakita ng koordinadong pagtugon ng pamahalaan sa edukasyon at kabuhayan sa lalawigan.

Kasama rin ni Angara si Masbate Governor Richard Kho, na nagpahayag ng kanilang patuloy na suporta sa mga hakbang ng DepEd para sa ganap na rehabilitasyon ng mga paaralan sa Masbate.

Inatasan din ng DepEd ang mga regional office sa Cebu at Davao na pabilisin ang pagsusuri at pagkukumpuni ng mga paaralang naapektuhan ng mga nagdaang lindol.

 

END