LUNGSOD NG MAKATI, 23 Oktubre 2025 — Pinagtitibay ng Department of Education (DepEd) at ng mga lokal na pamahalaan (LGU) ang mga hakbang upang mas mapabilis, mapagsama-sama, at maging mas makabuluhan sa antas ng komunidad ang pagbangon ng edukasyon matapos ang mga kalamidad. Layunin ng pagtutulungan na ito na maibalik ang mga ligtas na lugar para sa pag-aaral, at matiyak na may agarang tulong sa paaralan, guro, at mag-aaral.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, kritikal ang pakikipagtulungan sa mga LGU sa pagsisiguro na ligtas ang mga guro at mag-aaral at may learning continuity naisasakatuparan, alinsunod sa binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang mga kamakailang pagbisita sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad.

“Mahalaga sa atin na laging katuwang natin ang ating mga LGU sa paghahatid ng tulong at pag-asa sa ating mga kababayan. Sa bawat sakuna, kailangang sabay-sabay tayong bumangon—DepEd, LGU, guro, at mga magulang,” ani Angara.

Ibinahagi ng DepEd na nasa 5,000 paaralan sa iba’t ibang rehiyon ang naapektuhan ng mga nagdaang lindol, na nagpapakita ng kahalagahan ng kahandaan at koordinasyon sa antas-lokal. Patuloy ang pagpapatupad ng kagawaran ng mga information drive at simulation drills upang gabayan ang mga guro at mag-aaral sa mga dapat gawin sa panahon ng emerhensiya, habang pinagtitibay din ang mga contingency plan at kapasidad ng mga paaralan sa pagtugon sa sakuna.

Bilang bahagi ng pagpapalakas sa kaligtasan ng mga paaralan, inilunsad ng DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS) ang M7X Ready Framework, isang earthquake mitigation at preparedness certification program para sa mga paaralan, at inanunsyo rin ang paglalathala ng Guidebook on Safer Learning Facilities.

Kasabay nito, nakipagtulungan din ang ahensya sa Department of Science and Technology (DOST) at PHIVOLCS sa pagbuo ng PlanSmart for Safe Schools, isang automated tool para sa multi-hazard contingency planning. Kasalukuyan ding pinag-aaralan ng kagawaran ang pagtatatag ng Sensor Network upang makapagbigay ng real-time data tungkol sa tindi at epekto ng mga lindol.

Binigyang-diin ni Angara na inatasan niya ang mga regional office ng DepEd na makipagtulungan sa mga LGU upang mapabilis ang pagkukumpuni at rehabilitasyon ng mga napinsalang pasilidad.

Sa Davao, pinangunahan ng DepEd ang Psychological First Aid at mga psychosocial support session para sa mga apektadong guro at kawani, at nagpadala ng mga team upang tumulong sa paglilinis at minor repairs sa siyam na prayoridad na paaralan. Sa Cebu, gumamit ang DepEd ng mga alternative delivery modes upang matiyak na magpapatuloy ang pag-aaral habang isinasagawa ang structural assessment ng mga gusali.

Sa Metro Manila, nagsagawa ang mga lungsod ng Pasig, Maynila, at San Juan, at iba pa, ng pamamahagi ng mga Emergency Go Bag para sa kanilang mga residente. Sa Antique, nakipagtulungan ang mga LGU sa mga lokal na paaralan upang repasuhin ang kanilang mga contingency plan. Samantala, sa Zamboanga Peninsula, mahigit kalahati ng mga LGU ang gumamit na ng Rapid Earthquake Damage Assessment System (REDAS), isang science-based tool na tumutulong sa mas mahusay na pagtugon at pag-assess ng mga pinsala dulot ng lindol.

Tiniyak ni Angara na magpapatuloy ang DepEd sa pakikipag-ugnayan sa mga LGU at iba pang ahensya upang higit pang patatagin ang kaligtasan at kahandaan ng mga paaralan sa buong bansa.

“Kapag handa ang mga paaralan, ligtas ang kinabukasan. At kapag kumilos ang buong komunidad, walang bagyo o lindol ang makakapigil sa pagkatuto,” ani Angara.

END