![]() |
LUNGSOD NG MAKATI, 24 Oktubre 2025 — Upang matiyak na handa ang mga paaralan na maiwasan ang pagkaantala ng pag-aaral tuwing may kalamidad, naglaan ang Department of Education (DepEd) ng ₱1.35 bilyon para sa pagpi-print, paghahatid, at pagsasanay kaugnay ng Learning Packets at Dynamic Learning Program (DLP) materials.
Layunin ng inisyatibong ito na mabigyan ang mga guro at mag-aaral ng mga kasangkapan upang maipagpatuloy ang pag-aaral kahit pansamantalang sarado ang mga paaralan, sa bilin na rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Ang pondong ito ay para sa kahandaan at learning continuity,” ayon kay Education Secretary Sonny Angara. “Sa panahong mahirap, mas kailangan ng mga bata ang pag-asa at direksyon. Kaya kahit limitado ang kuryente, signal, o daan, dapat may paraan pa rin para magpatuloy ang pag-aaral.”
Saklaw ng pondo, na kasama ang mga nasa Regional Offices, ang pagpi-print at pamamahagi ng Learning Packets para sa Grades 1 hanggang 12 (₱950 million) at Dynamic Learning Program materials para sa mga Junior High School learners (₱399 million).
Inatasan ang mga pampublikong paaralan na magbigay ng isang (1) set ng Learning Packet sa bawat baitang mula Grade 1 hanggang Grade 12.
Bawat Learning Packet ay naglalaman ng 25 hanggang 50 self-paced activities na dinisenyo upang paigtingin ang kakayahan sa pagbasa, matematika, at problem-solving. Ang ilan sa mga materyales ay may kasamang enrichment activities para sa mas mataas na antas ng pagkatuto o paghubog ng life skills.
Samantala, ang Dynamic Learning Program (DLP) ay nagbibigay ng structured, activity-based lessons na maaaring gawin ng mga mag-aaral nang mag-isa. Maaaring kopyahin at sagutin ng mga estudyante ang DLP sheets gamit ang papel o notebook, kaya’t tuloy ang pag-aaral kahit walang kuryente, gadget, o internet connection.
“Ang mga materyales na ito ay bahagi ng ating tuloy-tuloy na adbokasiya para sa learning resilience,” dagdag ni Angara. “Gusto nating siguraduhin na kahit may bagyo, baha, o lindol, may hawak pa ring aralin ang bawat bata. Ang edukasyon dapat ang huling huminto at unang bumangon.”
Hinihikayat din ng programa ang mas malapit na koordinasyon sa local government units (LGUs) upang matiyak na ang mga paaralang nasa high-risk areas ay agad na makapagpatupad ng alternative learning modes kapag suspendido ang in-person classes.
Inatasan ang mga Regional Directors na pangasiwaan ang maagap na produksyon at pamamahagi ng mga materyales at magsumite ng monthly report ng mga nagawa. Magbibigay din ng technical assistance at training ang Bureau of Learning Resources (BLR), Bureau of Learning Delivery (BLD), at National Educators Academy of the Philippines (NEAP) para sa mga guro at lokal na implementers.
Binigyang-diin ni Angara na ang hakbang na ito ay patunay ng pagsisikap ng DepEd na makabuo ng edukasyong handa sa hinaharap at matatag sa panahon ng sakuna, upang mas bigyang-kakayahan ang mga guro at lokal na lider na kumilos nang may tiwala at kahandaan sa panahon ng krisis.
“Bukod sa learning recovery, panahon na rin para tayo ay mag-invest sa learning readiness,” wika ng Kalihim. “Kung handa ang paaralan, handa rin ang bansa. Ang edukasyon ay hindi lang tungkol sa kung ano ang itinuturo natin sa magagandang panahon—ito ay tungkol sa paano natin pinatatatag ang pagkatuto, sa ulan man o sa araw.”
END


