![]() |
DUMAGUETE CITY, Negros Oriental, 27 Oktubre 2025 — Nagtipon ang mahigit 2,000 kabataang lider at youth advocates mula sa iba’t ibang panig ng bansa na ginanap sa Dumaguete City.
Ito ay kaugnay ng pagbubukas ng Department of Education (DepEd) ng Learners’ Convergence Philippines (LearnCon PH) 2025 bilang patunay sa pangako nitong linangin ang pamumuno, pakikilahok sa lipunan, at importansiya sa paglilingkod.
Ngayong taon, mas nagkaroon ng mas makabuluhang direksyon ang LearnCon PH sa pamamagitan ng pagsasanib nito sa National Career Expo (NCEx) Kick-Off para sa Taong Panuruan 2025–2026. Layunin ng DepEd na mahubog ang kakayahan ng mga mag-aaral sa pamumuno at pagpapasya, habang nakikipag-ugnayan sila sa mga kinatawan ng industriya, negosyo, at mga institusyong pang-edukasyon upang matuto tungkol sa mga oportunidad sa kanilang hinaharap na karera.
Alinsunod sa 5-Point Reform Agenda ni Education Secretary Sonny Angara, tampok din sa apat na araw na pagtitipon ang mga leadership workshops, innovation labs, at dialogue sessions na idinisenyo upang bigyang-kakayahan ang mga mag-aaral na maging aktibong katuwang sa paghubog ng kani-kanilang paaralan at komunidad.
“Dito ninyo maipapahayag ang inyong mga saloobin tungkol sa mga isyung panlipunan, makapagpapresenta ng inyong mga proyekto, at makikilahok sa mga workshop, thematic sessions, at Project Pitching Exercises. Gamitin ninyo ang pagkakataong ito para magtanong, makinig, at magbahagi,” ani Angara.
Sa temang “#GalingKabataan: Boses Mo, Bukas Natin,” binibigyang-diin ng LearnCon PH 2025 ang mahalagang papel ng kabataan sa pagtugon sa mga suliraning panlipunan at sa paghubog ng isang inklusibo at maunlad na lipunan. Ito rin ang pinakamalaking face-to-face na pagtitipon ng mga mag-aaral at mga katuwang sa edukasyon mula sa lahat ng 18 rehiyon ng bansa.
Sa kabuuan, 2,061 na mag-aaral mula sa lahat ng School Division Offices sa buong bansa ang lumahok sa pagtitipon. Kabilang sa mga delegado ang mga mag-aaral mula sa formal at alternative education systems, mga katutubong mag-aaral, at mga mag-aaral na may kapansanan.
“Sa loob ng apat na araw ng LearnCon, pag-uusapan natin ang mga mahahalagang isyu tulad ng leadership and civic engagement, health and well-being, gender and social inclusion, climate action, innovation and entrepreneurship, culture and peace, pati na rin ang mga programa para sa Alternative Learning System, indigenous people, at learners with disability,” ayon kay Education Undersecretary for Operations Malcolm S. Garma.
Kabilang din sa mga pangunahing aktibidad ang paglulunsad ng Landas Toolkit, isang gabay para sa career planning ng mga mag-aaral; ang Learners’ Congress, na layuning paunlarin ang kakayahan sa policy-making at governance; at ang Project Pitching Sessions, kung saan maghahain ng mga makabago at malikhaing ideya ang mga mag-aaral sa harap ng mga eksperto.
“LearnCon is a safe space for ideas,” dagdag ni Usec. Garma. “Huwag kayo matakot, huwag kayong mahiyang magtanong at magbahagi. Tulad ng mga nagdaang taon, ang LearnCon ay isang ligtas na espasyo, isang avenue for dialogue, debate, at creative expression. Dito, kayo mismo ang bida.”
Nakatakda rin ang mga sabay-sabay na thematic sessions ukol sa mahahalagang isyung pambansa, ang Youth Leaders Forum na magbibigay-daan sa dayalogo ng mga kabataan at mga lider mula sa iba’t ibang sektor, at ang Learners’ Night na magsasama-sama para ipagdiwang ang pagkamalikhain at pagkakaisa ng kabataan.
Ayon sa DepEd, layunin ng LearnCon PH 2025 na patunayan ang papel ng kabataan bilang mga katuwang sa paglikha ng isang inklusibo, may kakayahan, at sustenableng bansa, sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng boses at puwang sa paghubog ng edukasyon at pag-unlad ng bansa.


