LUNGSOD NG MAKATI, 28 Oktubre 2025 — Binibigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara ang agarang pangangailangan na palakasin ang mga pangmatagalang reporma sa edukasyon upang matugunan ang mga kakulangan sa sistema ng edukasyon sa hearing ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) nitong Martes.

Isinagawa ang pagdinig sa Nemesio I. Yabut Integrated School sa Makati City, kung saan tinalakay ang DepEd Charter sa ilalim ng Republic Act No. 9155 na nagtatakda ng pamamahala at mandato ng Kagawaran. Layunin ng EDCOM II na iayon ang mga batas sa edukasyon sa mga bagong hamon sa polisiya, pondo, at koordinasyon.

“Kailangan natin ng mga pangmatagalang solusyon para ayusin ang sistema ng edukasyon sa bansa,” Angara said. “Our reforms aim to make DepEd more focused, better resourced, and strategically aligned.”

Sinabi ni Angara na isusulong ng DepEd ang mga pangunahing panukalang batas na direktang sasagot sa mga hamon sa pagpapatupad at pondo, kabilang ang:

  • Pagpapalawak ng Special Education Fund (SEF)upang madagdagan ang lokal na pondo para sa edukasyon;
  • Mabilisang pag-isyu ng mga school site titlespara mapabilis ang pagpapatayo ng mga pasilidad;
  • Bagong mga probisyon sa Adopt-A-School Programupang hikayatin ang mas malawak na partisipasyon ng pribadong sektor;
  • Teachers in Every Barrio Billpara sa mas pantay na distribusyon ng mga guro; at
  • Pag-amyenda sa Teachers Professionalization Actupang suportahan ang kabuuang reporma sa human resource.

Para naman sa kapakanan ng mga mag-aaral, isusulong din ng DepEd ang pag-amyenda sa Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act at sa Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (E-GASTPE) Law, na layuning mapalawak ang access sa feeding programs, learner subsidies, at tulong sa transportasyon.

Ang mga inisyatibong ito ay bahagi ng Quality Basic Education Development Plan (QBEDP) 2025–2035, isang 10-taong roadmap na naglalayong makamit ang mataas na kalidad ng pagtuturo, makataong pamamahala, at mas mahusay na suporta sa mga mag-aaral at guro.

Ibinunyag din ni Angara na mula pa noong 1982, 49 na batas na ang nagpalawak sa responsibilidad ng DepEd, karamihan ay may partikular na atas sa pagpapatupad ngunit walang sapat o tuloy-tuloy na pondo. Kabilang sa mga pangunahing suliraning tinukoy sa ulat ang mga unfunded mandates, kakulangan sa resources, at mga systemic gaps na napupunta sa DepEd kahit na nangangailangan ito ng pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Sa kasalukuyan, kasapi rin ang DepEd sa 261 interagency councils, bagay na nagpapabigat sa koordinasyon at nakakaapekto sa pagtuon ng mga programa.

“DepEd’s mandate will keep evolving,” Angara said. “But if we strengthen our foundations now—funding, governance, and inter-agency alignment—we can finally make the system work for every Filipino learner.”