![]() |
LUNGSOD NG MAKATI, 29 Oktubre 2025 — Kinilala ng Department of Education (DepEd) ang mga institusyon at programang patuloy na nagbibigay-pugay sa husay at dedikasyon ng mga guro sa bansa, kabilang ang Metrobank Foundation, Princess Maha Chakri Award (PMCA), Antonio L. Cabangon Chua Gintong Parangal Para sa Edukasyon, at Gabay Guro.
Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na ang mga pakikipag-ugnayang ito ay sumasalamin sa sama-samang layunin na itaguyod ang pagtuturo bilang isang marangal at makapagbabagong propesyon, lalo na habang pinatitibay ng pamahalaan ang mga repormang tumutugon sa mga matagal nang hamon sa edukasyon.
“Kasabay ng ating reporma para sa kaguruan, bawat pagkilalang ibinibigay sa ating mga guro ay nagpapalalim ng paggalang ng bayan sa kanilang sakripisyo at paglilingkod,” ani Angara. “We are improving teacher programs, and ensuring that every reform leads to real improvements for their classrooms. Because when we lift up our teachers, we lift up the entire education system.”
Pinarangalan ni Pangulong Marcos ang mga Metrobank awardees
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paggawad ng Metrobank Foundation Outstanding Filipinos sa Malacañang, kung saan pinarangalan ang mga natatanging guro, sundalo, at pulis na sumasagisag sa diwa ng Bagong Pilipino.
“It is always with the greatest pride, honor, and pleasure that I honor the Metrobank Foundation Outstanding Filipinos because you are exemplary individuals who have gone the extra mile to transform lives and uplift communities,” wika ng Pangulo.
“Mga kababayan, ipinakita ninyo na ang tunay na paglilingkod sa bayan ay hindi nasusukat sa katayuan sa lipunan, kundi sa layuning maghatid ng pagbabago sa ating mga kababayan,” dagdag pa niya. “Kayo ang mukha ng Bagong Pilipino: matapat, may paninindigan, at buong pusong naghahatid ng serbisyo sa kapwa Pilipino.”
Guro mula Ilocos Norte, 2025 Princess Maha Chakri Awardee
Pinasalamatan din ng DepEd si Teacher Lea Domingo ng Luzong Elementary School sa SDO Ilocos Norte, na napiling Philippine recipient ng 2025 Princess Maha Chakri Award (PMCA).
Bilang tribute kay Her Royal Highness Princess Maha Chakri Sirindhorn ng Thailand, ang PMCA ay iginagawad tuwing dalawang taon sa mga natatanging guro sa Timog-Silangang Asya na nagpakita ng pambihirang dedikasyon sa edukasyon at pagpapaunlad ng pamayanan, lalo na sa mga lugar na kapos sa oportunidad.
Pinarangalan si Domingo dahil sa kanyang mga makabago at makakalikasang proyekto sa pagtuturo at pagpapanatili ng kapaligiran. Siya na ang ika-anim na Pilipinong ginawaran ng PMCA.
Gintong Parangal: Pagpupugay sa sipag at disiplina
Pinarangalan din ni Secretary Angara ang mga tumanggap ng Antonio L. Cabangon Chua Gintong Parangal Para sa Edukasyon, isang programang inspirasyon ng pangmatagalang kampanyang “Value of Hard Work and Discipline” na pinangunahan ng Fortune Life Insurance Company at Marylindbert International.
Ngayong taon, 18 na natatanging kawani ng edukasyon ang ginawaran: lima sa kategoryang Paglilingkod (non-teaching personnel), lima sa Pamumuno (education leaders), at walo sa Guro (teachers), kabilang ang mga honorable mention.
Sa ika-14 na taon nito, patuloy na itinataguyod ng programa ang mga pagpapahalagang nagbibigay-daang sa kahusayan, propesyonal na pag-unlad, at pambansang kaunlaran.
Gabay Guro: Heroes of Learning, Builders of Tomorrow
Kinilala rin ng DepEd ang Gabay Guro Foundation, matagal nang katuwang ng kagawaran sa pagpapalakas ng kapasidad at kabuhayan ng mga guro. Kamakailan lamang, matagumpay na idinaos ng foundation ang Grand Gathering of Teachers sa Pasig City, na may temang “Our Teachers: Heroes of Learning, Builders of Tomorrow.”
Pinuri ni Secretary Angara sina PLDT Inc. at Metro Pacific Investments Corporation Chairman Manny V. Pangilinan at Gabay Guro Chairperson Chaye Revilla sa kanilang walang sawang suporta sa kapakanan ng mga guro at sa pagpapatupad ng mga repormang pang-edukasyon.
“Sa tuwing kinikilala natin ang ating mga guro, ipinapaalala natin sa sambayanan na sa silid-aralan nagsisimula ang tunay na pag-unlad,” ani Angara. “Sa pamamagitan ng mga ganitong pakikipag-ugnayan, hindi lamang natin itinataas ang antas ng kaguruan—pinatatatag din natin ang pundasyon ng edukasyong Pilipino.”


