![]() |
MAKATI CITY, 31 Oktubre 2025 — Bilang tugon sa patuloy na kakulangan sa silid-aralan na umabot sa 165,000 sa buong bansa noong 2022, nagsasagawa ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ng mga bagong hakbang upang mapunan ang agwat, kabilang ang pag-upa sa mga nagsarang pribadong paaralan at iba pang gusaling maaaring pansamantalang magamit bilang mga silid-aralan.
Sa pangunguna ng Office of the Undersecretary for Strategic Management (OUSM) at sa pakikipagtulungan ng Student First Coalition (SFC), nagsagawa kamakailan ang DepEd ng isang Classroom Market Scoping Activity. Layunin ng aktibidad na ito na tukuyin ang kakayahan ng pribadong sektor, unawain ang kondisyon ng merkado sa larangan ng pag-upa, at pag-aralan ang mga partnership models na maaaring magamit upang maging epektibo at matipid na solusyon ang classroom leasing sa buong bansa.
“Kailangan nating maging malikhain kung gusto nating bumilis ang ating solusyon,” ayon kay Kalihim ng Edukasyon Sonny Angara. “Kung may mga paaralan at gusaling nakatengga at maaari namang magamit, buksan natin ito para sa mga kabataang nangangailangan ngayon.”
Ipinresenta sa aktibidad ang Standard Classroom Specifications ng DepEd, mga datos sa pangangailangan ng silid-aralan, at ang mga detalye ng Leasing Pilot Program, kasunod ang isang bukas na talakayan kasama ang mga kinatawan mula sa pribadong sektor.
Dumalo sa talakayan ang mga pangunahing kompanya sa real estate tulad ng Colliers, Santos Knight Frank, Leechiu, Jones Lang LaSalle Inc., Lobien Realty Group, at REBAP Inc.
Kabilang din sa mga lumahok na ahensya ng pamahalaan ang Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), Bases Conversion and Development Authority (BCDA), Department of the Interior and Local Government (DILG), at ang Armed Forces of the Philippines Corps of Engineers (AFP-COE).
Bahagi ito ng mas malawak na inisyatiba ng DepEd upang gawing oportunidad ang krisis sa kakulangan ng silid-aralan sa pamamagitan ng mas pinatibay na ugnayan sa pagitan ng pampubliko at pribadong sektor, at ng inobasyon sa paggawa ng mga paaralan. Ang mga datos at ideya makakalap mula sa market scoping ay magsisilbing batayan sa nalalapit na Classroom Summit, kung saan ilalatag ng DepEd ang mga panukalang reporma at bagong modelo sa pagtatayo ng mga pasilidad pang-edukasyon.
Isa sa mga unang pag-aari na kasalukuyang pinag-aaralan para sa pag-upa ay ang Pita Property sa Laguna, ang dating lokasyon ng Rainbow Institute of Learning, Inc. Ang 1,385-square-meter na kampus ay hindi na nagamit mula pa noong 2020 at matatagpuan dalawang kilometro lamang mula sa Don Manuel Rivera Memorial Integrated National High School, na kasalukuyang may kakulangan sa 22 silid-aralan. Mayroon itong pitong silid-aralan, isang kantina, opisina, at covered court na may entablado.
“Bahagi ito ng patuloy naming pagsisikap na baligtarin ang sitwasyon ng classroom shortage,” ayon kay Undersecretary for Strategic Management Ronald Mendoza. “Sa halip na maghintay ng dalawa o tatlong taon para maitayo ang mga bagong gusali, tinitingnan natin ang mga umiiral na estruktura na maaaring maiangkop sa loob lamang ng anim na buwan para sa ating mga mag-aaral.”
Binigyang-diin ng DepEd na ang estratehiyang ito ng pag-upa ay icocomplement ang mga pangmatagalang programa sa imprastruktura ng Kagawaran—kabilang ang flexible school building implementation, at mga Public-Private Partnership bilang bahagi ng pagsusulong ni Secretary Angara ng mga makabago, batay-sa-datos, at estratehikong reporma sa batayang edukasyon.


