CITY OF CARMONA, CAVITE, 31 Oktubre 2025 – Sa loob ng maraming taon, ang 11 paaralan ng Carmona ay nasa ilalim ng Schools Division of Cavite Province, isa sa pinakamalalaking dibisyon sa CALABARZON.

Dahil pinamamahalaan nito ang 345 public schools noon, madalas na kailangang makipagsabayan ng mga paaralan ng Carmona sa mas malalaking bayan  sa probinsya upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Maraming lokal na inisyatibo ang kailangang maghintay, dahil limitado ang resources sa buong lalawigan.

Ngunit nitong Huwebes, Oktubre 30, may bagong simula para sa Lungsod ng Carmona.

Pinangunahan ni Education Secretary Sonny Angara ang inagurasyon ng Schools Division Office (SDO) ng Lungsod ng Carmona, kasunod ng pagkakalikha ng lungsod bilang component city sa bisa ng Republic Act No. 11938 na naisabatas noong Pebrero 2023.

“Bago maging component city ang Carmona, ito ay nasa ilalim ng SDO Cavite Province—isa sa pinakamalalaking dibisyon sa CALABARZON,” ani Angara. “Ngayon, magkakaroon na ng sariling SDO funds ang lungsod, na tiyak na makatutulong sa mga guro, kawani, at mag-aaral dito sa Carmona.”

Ibinahagi ni 5h District of Cavite Representative Atty. Roy Loyola na mahigit 12 taon nilang itinulak ang batas para maging lungsod ang Carmona. Kaniyang kinilala si dating Senador at ngayo’y Kalihim ng Edukasyon Sonny Angara bilang isa sa pinakamalakas na tagapagtaguyod ng panukalang ito sa Senado.

Ngayon bilang pinuno ng DepEd, hindi na sinayang ni Angara ang pagkakataon na maisakatuparan ang bunga ng batas. Agad niyang inumpisahan ang pagtatatag ng sariling Schools Division Office ng Carmona upang matiyak na ang mga guro, kawani, at mag-aaral ng lungsod ay magkakaroon ng tuwirang atensyon at sapat na suporta.

Sa nasabing seremonya, pinasalamatan ni Angara sina Kinatawan Roy Loyola, Mayor Dra. Dahlia Loyola, at mga opisyal ng lungsod sa kanilang walang humpay na suporta sa edukasyon, at binati rin niya ang mga unang opisyal ng SDO Carmona sa pangunguna nina OIC-Schools Division Superintendent Dr. Joepi F. Falqueza at OIC-Assistant SDS Wilson G. Centeno.

Pinagtibay rin ng Kalihim ang buong suporta ng DepEd sa mga programa sa edukasyon ng lungsod sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., at binigyang-diin na ang pagkakaroon ng sariling dibisyon ay magbibigay-daan upang mas mabilis at mas epektibong matugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral.

Ang hakbang na ito ay nakaayon din sa rekomendasyon ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na baguhin at ayusin ang istruktura ng DepEd upang maging mas mabilis ang paghahatid ng serbisyo sa mga paaralan.

Ibinahagi rin ni Angara na kamakailan ay nagbago ang mga prayoridad sa pondo ng Kongreso, kung saan ilalaan ang budget sa flood control upang madagdagan ang pondo ng DepEd, isang hakbang na magpapalawak sa mga pamumuhunan para sa mga paaralan at guro sa buong bansa.

Pinondohan sa ilalim ng ₱30-milyong national subsidy mula sa Financial Assistance to Local Government Unit – Other Infrastructure Program, ang SDO Carmona ay magsisilbing modelo ng Transparent, Ethical, and Accountable (TEA) Governance, at magpapatupad ng misyong maghatid ng accessible, inclusive, at liberating basic education.

“Ang pagkakatatag ng SDO Carmona ay kuwento ng pagtitiyaga, pagkakaisa, at pag-asang hatid ng bawat bagong lungsod para sa ating mga mag-aaral,” ani Angara.

Ang SDO City of Carmona ang ika-25 na dibisyon ng DepEd CALABARZON Region, na pinamumunuan ni Regional Director Atty. Alberto Escobarte.