![]() |
LUNGSOD NG PASIG, 3 Nobyembre 2025 — Tiwala ang Department of Education (DepEd) na mananatiling prayoridad ang edukasyon sa bansa sa pamamagitan ng pagkakaloob ng pinaka malaking pondo sa ilalim ng national budget na siyang itinatadhana ng Konstitisyon.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, napakahalaga na ang pondo ay tumutugma sa malawak na gastusin at responsibilidad ng DepEd.
Binigyang-diin ng DepEd na habang patuloy na lumalawak ang mandato nito mula nang ito’y itatag, hindi naman palaging kasabay ang pagtaas ng mga pondo. Ilang mahahalagang batas—tulad ng ARAL Program Act, Career Progression System for Public School Teachers and School Leaders, Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act, at Alternative Learning System Act—ay ipinasa na kulang o walang sapat na pondo, kaya naging hamon ang pagpapatupad.
“Habang dumarami ang aming responsibilidad, hindi naman palaging kasabay ang pondo,” ani Sec. Angara. “Mas lumawak ang aming saklaw at naapektuhan ang aming pokus. Kailangang maibalik natin ang atensyon sa pundasyunal na pagkatuto, alinsunod sa layunin ng unang EDCOM noong dekada 1990.”
Ang lumalaking bigat ng mga tungkuling ito—na nagpalawak ng saklaw at nakaapekto sa pokus ng Kagawaran—ay isa sa mga pangunahing natuklasan sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) hearing noong Oktubre 28, 2025.
Sa naturang pagdinig, muling tiniyak ni Sec. Angara ang paninindigan ng DepEd, sa mandato ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ituon ang atensyon sa functional literacy at pagpapabuti ng learning outcomes, kahit patuloy na hinaharap ng Kagawaran ang mga hamon ng dumaraming mandato, kakulangan sa pondo, lawak ng koordinasyon, at kakapusan sa mga kagamitan.
Bilang tugon, aktibong nakikibahagi ang DepEd sa pagbuo ng Education and Workforce Development Group (EWDG) sa ilalim ng Office of the President, na magsisilbing coordinating body ng mga ahensyang may kaugnayan sa edukasyon at paggawa. Inatasan din ng Kagawaran ang mga miyembro ng Executive Committee nito na tutukan lamang ang mga inter-agency body na may mataas na epekto at malinaw na kaugnayan sa mandato ng DepEd, tulad ng inclusive education, education-to-employment efforts, at curriculum review and revision.
Upang palakasin ang mga pundasyon ng pagkatuto, nakapag-procure ang DepEd ng 60 bagong textbook titles sa loob lamang ng nakalipas na dalawang taon—kumpara sa 27 titles mula 2012 hanggang 2023—na katumbas ng 122% pagtaas. Simula nang manungkulan, isinulong din ni Sec. Angara ang mga inobatibong hakbang para mapabilis ang pagtatayo ng mga silid-aralan, kabilang ang Public-Private Partnerships (PPPs) at mas flexible na partisipasyon ng mga LGU at CSO.
Pinalalakas pa ito ng mga repormang kasalukuyang ipinatutupad ng DepEd tulad ng bagong K to 10 at Senior High School curriculum, nationwide training programs para sa mga guro at school heads, at ang pagsasama ng digitalization at education technology sa mga paaralan at dibisyon. Upang mabawasan ang gawaing administratibo ng mga guro, nagtalaga rin ang DepEd ng mga karagdagang administrative officers sa mga paaralan upang makapagpokus sila sa pagtuturo.
Habang tinutugunan ang mga pangmatagalang solusyon para sa mga mandato nito, gumagawa rin ang DepEd ng mga agarang hakbang upang mapanatiling tumatakbo ang mga programang kulang sa pondo. Ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program ay nangangailangan ng ₱9.6 bilyon at may ₱3.3 bilyong kakulangan sa pondo para sa 2026. Upang matiyak ang pagpapatuloy nito, ₱1.8 bilyon mula sa internal savings ng Kagawaran ang inilaan para sa pagpi-print ng tutorial modules at pagsasanay ng mga guro para sa unang rollout ng programa.
“Sustained reform requires sustained support. We must never forget our bottom line: a Filipino learner who can read and comprehend,” ani Angara.


