LUNGSOD NG MAKATI, 4 Nobyembre 2025 — Nakikipag-ugnayan ang Department of Education (DepEd) sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang magtakda ng iisang malinaw at maagap na patnubay sa pagsuspinde ng klase, bilang pagkilala na bawat kanseladong araw ng pagpasok ay may pangmatagalang epekto sa pagkatuto ng mga bata.

Sa isang inter-agency meeting kasama ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Commission on Higher Education (CHED), Philippine Science High School (PSHS), at Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), itinulak ng DepEd ang pagbuo ng national protocol sa pagsuspinde ng klase upang maging pare-pareho ang mga alituntunin at mabawasan ang pagkawala ng araw ng pagkatuto.

“Gaya ng sabi ng Pangulo, kailangan nating harapin at paghandaan ang mga hamon ng kalamidad sa edukasyon,” ani Education Secretary Sonny Angara. “Hindi natin kayang pigilan ang bagyo, pero kaya nating paghusayin ang ating paghahanda para maging mabilis, malinaw, at maayos ang mga desisyon kapag kaligtasan at kinabukasan na ng mga bata ang nakataya.”

Batay sa 2019 Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS), ang bawat karagdagang araw ng pagsasara ng paaralan ay maaaring magpababa ng marka ng mag-aaral ng hanggang 12 puntos sa matematika at 14 puntos sa agham. Ipinapakita rin ng datos na ang pagkawala ng sampung araw ng klase ay maaaring magpababa ng marka sa agham mula 500 hanggang mas mababa sa 380.

Samantala, lumabas sa datos ng EDCOM II na noong School Year 2023–2024, mahigit 20 araw ng klase ang nawala dahil sa mga insidenteng may kaugnayan sa klima, na nakaapekto sa higit 11 milyong mag-aaral—o halos 42 porsiyento ng mga estudyante sa pampublikong paaralan. Ayon sa DepEd, malinaw itong patunay ng lumalalang epekto ng krisis sa klima sa sektor ng edukasyon.

“Our challenge now is to adapt,” Sec. Angara said. “Disasters will keep coming, but learning should not stop. We need clear, coordinated, and science-based decisions that keep our students both safe and learning.”

Sa naturang pagpupulong, nagkasundo ang mga ahensya na bumuo ng DILG advisory template upang tulungan ang mga lokal na pamahalaan sa maagap at pare-parehong pag-aanunsyo ng suspensyon ng klase. Ire-require din ang mga regional at division office na mag-ulat ng dalas at epekto ng mga suspensyon, at maglathala ng opisyal na datos sa mga nawalang araw ng klase bilang batayan ng mga pambansa at lokal na polisiya.

Nakatakda ring palakasin ng DepEd ang make-up class policy at Alternative Delivery Modes (ADM) upang matiyak na tuloy ang pagkatuto kahit kanselado ang mga in-person class. Bagaman nakatulong ang modular at online learning sa pagpapatuloy ng pagtuturo sa panahon ng mga abala, binigyang-diin ng DepEd na hindi nito ganap na mapapalitan ang harapang pagkatuto, lalo na para sa mga batang nangangailangan pa ng gabay ng guro.

“We understand that safety must always come first,” wika ni Angara. “But we also need to be ready to help students recover from lost time. Our goal is to make every day of learning count, rain or shine.”