LUNGSOD NG MAKATI, 5 Nobyembre 2025 — Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ng Economy and Development (ED) Council ang Project for Learning Upgrade Support and Decentralization o PLUS-D, isang pambansang inisyatiba sa edukasyon na layuning tugunan ang learning losses at bigyan ng mas malaking kapangyarihan ang mga rehiyon at paaralan sa pagpapatupad ng mga reporma.

Ang PLUS-D, na pamamahalaan ng DepEd, ay magdadala ng pondo at teknikal na suporta direkta sa mga paaralan at regional offices upang mapabilis ang learning recovery sa early grades at mapataas ang kalidad ng pagtuturo sa junior high school. Pinagsasama nito ang mga pambansang programa sa pagkatuto at mga targeted grants para sa higit 11,000 paaralang may kakayahan nang magsagawa ng mga decentralized activities.

Sa tulong ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), ang anim na taong proyekto ay popondohan ng ₱34.79 bilyon (USD 600M) mula sa World Bank at ₱3.47 bilyong (USD 60M) katapat na pondo mula sa pamahalaan ng Pilipinas. Tinatayang mahigit 21.2 milyong mag-aaral sa K-10 ang makikinabang sa kombinasyon ng mga nationwide at targeted intervention.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, mahalagang hakbang ang proyekto para mas mabigyan ng kapangyarihan magdesisyon ang mga guro at local leaders.

“Alam nating hindi kailangan na pare-pareho ang solusyon sa paglutas ng learning gap sa bawat silid-aralan. With PLUS-D, schools with the capacity and readiness can move faster, innovate more, and be held accountable for real results for learners. We need to trust those closest to the children,” ani Angara.

Kabilang sa mga system-level interventions ng PLUS-D ang pagbibigay ng teknikal at operasyonal na suporta para sa isang nationwide learning acceleration program na tutugon sa mga puwang sa pagkatuto mula Kindergarten hanggang Grade 6, bilang bahagi ng pagpapatibay sa Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program.

Isa ring mahalagang bahagi ng proyekto ang grant program para sa mga regional office at paaralan upang mapondohan ang mga lokal na interbensiyon para sa pagpapahusay ng pagkatuto, pag-angat ng kakayahan ng mga guro, at pagtataguyod ng inclusive education. Magkakaroon din ito ng mas mahigpit na mekanismo sa performance-based accountability, kung saan ang mga paaralang makapagtatala ng malaking pagbuti sa learning outcomes ay maaaring makatanggap ng karagdagang pondo at public recognition.

Layunin din ng PLUS-D na dagdagan ang bilang ng mga gurong mabibigyan ng laptops, bilang karagdagang suporta sa kasalukuyang Computerization Program at bilang bahagi ng adbokasiya ng DepEd para sa digital transformation sa basic education.

Magsisimula ang implementasyon ng proyekto sa piling rehiyon batay sa mga readiness indicators gaya ng kapasidad sa pagpaplano, financial management, at mga sistema ng school governance.

“This approval sends a clear message that education reform will no longer be centrally controlled and painfully slow,” ani Angara. “Our mission is to let local leadership thrive, and let Filipino learners recover and rise.”