![]() |
LUNGSOD NG MAKATI, 7 Nobyembre 2025— Inatasan ni Kalihim ng Edukasyon Sonny Angara ang agarang pagpapatupad ng mga hakbang sa rehabilitasyon at pagpapatuloy ng pag-aaral matapos ang malawakang pinsalang idinulot ni Bagyong Tino sa mga paaralan sa iba’t ibang rehiyon, habang naghahanda ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) sa pagdating ng Bagyong Uwan.
Batay sa Situation Report ng DepEd noong Nobyembre 7, 2025, alas-12 ng tanghali, umabot sa 3,260 silid-aralan nagtamo ng iba’t ibang antas ng pinsala. Samantala, 3,478 pampublikong paaralan sa 22 dibisyon ang nagsuspinde ng klase ngayong Biyernes dahil sa epekto ng bagyo, na nakaapekto sa mahigit 1.9 milyong mag-aaral at nasa 80,000 guro at kawani.
Ayon kay Angara, na-activate na ng DepEd ang disaster response protocols nito, at nagsasagawa na ng inspeksyon ang mga inhinyero ng dibisyon at rehiyon upang suriin ang lawak ng pinsala sa mga gusali. Idinagdag niya na nagpapatupad din ng learning recovery efforts ang mga field offices upang matiyak na makababalik sa pag-aaral ang mga mag-aaral kapag ligtas at maayos na ang sitwasyon.
“This is about rebuilding hope and stability for our learners. Our priority is safety, and the quick restoration of learning spaces,” ani Angara. “DepEd will continue working with local governments, partners, and communities so that no child is left behind in the aftermath of any disaster.”
Kasabay nito, ginagamit na ang Quick Response Fund (QRF) para sa rekonstruksyon ng mga nasirang silid-aralan, habang nagpapatuloy ang pakikipag-ugnayan ng DepEd sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa joint validation, katuwang ang local government units. Nagsimula na ring ipatupad ng DepEd ang psychosocial support programs para sa mga apektadong mag-aaral at guro upang tulungan silang makabangon sa aspeto ng emosyonal at mental na kalusugan.
Nakipag-ugnayan na rin ang DepEd sa mga partners nito sa buong bansa para sa recovery efforts, lalo na sa nalalapit na pagdating ng bagyong Uwan.
Upang matiyak na tuloy-tuloy ang pag-aaral, sinabi ni Angara na nagpapadala na ang DepEd ng mga EduKahon kits at iba pang alternatibong paraan ng pagkatuto. Inatasan din ang National Educators Academy of the Philippines (NEAP) na ipaalala sa mga tanggapan sa rehiyon at dibisyon ang paggamit ng Dynamic Learning Program Learning Activity Sheets (DLP-LAS) sa panahon ng emergency, lalo na ngayong inaasahan ang pagdating ni Bagyong Uwan.
Kamakailan ding lumagda ang DepEd sa kasunduan sa Knowledge Channel at Solar Pictures upang buhayin muli ang DepEd TV at palawakin ang mga learning recovery efforts sa pamamagitan ng TV-based education.
Magtatayo rin ang DepEd ng mga upgraded Temporary Learning Spaces (TLS) malapit sa mga apektadong paaralan upang magsilbing pansamantalang silid-aralan habang isinasagawa ang pagkukumpuni.
Binigyang-diin ni Angara na ang programa sa rehabilitasyon ay isasagawa sa pakikipagtulungan sa mga LGUs at pribadong sektor, bilang bahagi ng pagsisikap ng DepEd na maibalik ang normal na operasyon sa mga apektadong komunidad.
Ayon sa Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS) ng DepEd, nangangailangan ang kagawaran ng ₱30.63 milyon para sa clean-up at clearing operations sa 407 apektadong paaralan, at ₱1.86 bilyon para sa minor classroom repairs, na kasalukuyang sumasailalim sa karagdagang beripikasyon.
Magpapatuloy ang malapit na koordinasyon ng DepEd sa Education Cluster at mga field offices para sa tuloy-tuloy na pagsubaybay at maagang paghahanda sa pagdating ni Bagyong Uwan.


